Grupo ng kababaihan nangangalap na ng pirma PETISYON KONTRA 12% VAT SA PAGKAIN IKINASA

MANGANGALAP ng lagda ang grupo ng kababaihan para sa ihahaing petisyon sa Palasyo ng Malacanang para igiit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas na alisin ang 12% value added tax (VAT) sa pagkain.

Bukod dito, isasama sa petisyon ang House Bill (HB) 4898 o pagkakaroon ng national minimum wage sa pribadong sektor sa gitna ng lumalalang krisis sa pagkain dahil sa pagtaas na presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon sa grupo ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, mula noong Huwebes ay inilunsad nila ang “palengke tour” para mangalap ng lagda sa taumbayan na gagamitin sa ihahaing petisyon sa Malacanang.

Sinabi ni Brosas na naihain na nila ang HB 5504 at kailangan lang sertipikahan ito ng Pangulo bilang urgent bill upang agad maipasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Base sa nasabing panukala, nais ng mambabatas na tanggalin ang 12% VAT sa tinapay, asukal, delata, instant noodles, biscuits, mantika, asin, sabong panlaba, uling, kandila at lahat ng mga gamot na klinasipika ng Department of Health (DOH) bilang ‘essential medicines.

“Removing the 12% VAT on basic goods consumed by poor families on a regular basis will dramatically ease their economic suffering amid skyrocketing prices,” ani Brosas sa kanyang panukala.
Nais din ng grupo na masertipikahan bilang urgent bill ang HB 4898 o National Minimum Wage upang magkaroon ng pantay na pagtaas ng sahod sa buong bansa.

Sa ngayon ay ang mga manggagawa sa Metro Manila ang may pinakamataas na minimum wage na umaabot sa P570 kada araw na mas mababa sa ibang rehiyon tulad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na mayroon lamang P316.

Layon din ng nasabing batas na buwagin ang mga regional wage board dahil mula nang itatag umano ito, 33 taon na ang nakararaan ay hindi naproteksyunan ang interes ng mga manggagawa. (BERNARD TAGUINOD)

18

Related posts

Leave a Comment