GUARDIAN NG NASAWING 1 YEAR OLD, KULONG SA NEGLIGENCE

CAVITE – Matapos akuin ng isang guardian ang responsibilidad sa pangangalaga sa isang taong gulang na baby girl, pinabayaan nito na nagresulta sa pagkamatay ng paslit sa Imus City sa lalawigang ito, noong Lunes ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 6, Paragraph 3 at 4 ng RA 7619 (Negligence) ang suspek na si alias “Ellaine”, guardian ng biktima, dahil sa kapabayaan sa pag-aaruga sa paslit sa kanilang bahay sa Green State Subd., Brgy. Malagasang 1F, Imus City, Cavite

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Anthony Macario ng Imus City Police, dakong ala-1:30 noong Lunes ng madaling araw nang isugod ang biktima sa Ospital ng Imus subalit hindi umabot nang buhay.

Nabatid na kinuha ng guardian/suspek ang paslit sa kulungan makaraang isilang ng ina nito na nakakulong dahil sa kasong paglabag sa RA 9165, at inako ang responsibilidad.

Ayon kay P/Lt. Col. Michael Batoctoy, hepe ng Imus City Police, namatay ang paslit dahil sa kapabayaan ng umakong guardian nito na nangakong aarugain ito.

“Hindi rin niya (guardian) inaalagaan ang bata. Kung makikita mo, sobrang malnourish at payat na payat,” ayon kay Batoctoy.

Nabatid din na ang sugat sa ari ng biktima ay dahil umano sa diaper na halos hindi na napapalitan.

Ayon pa kay Batoctoy, ang guardian ng paslit ang umako sa responsibilidad nang isilang ito ng ina sa kulungan kung saan doon din nakakulong ang asawa ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)

190

Related posts

Leave a Comment