Gulo sa Mindanao posibleng magpatuloy DECOMMISSIONING SA MILF USAP-PAGONG – SOLON

HINDI malayong magpapatuloy ang kaguluhan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil maraming armas pa ang nakakalat kasunod nang mabagal na proseso ng decommissioning sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ito ang babala ni Basilan Rep. Mujiv Hataman sa pagdinig ng House Committee on National Defense and Security hinggil sa estado na isama na sa puwersa ng Armed Forces of the Philippine (AFP) ang MILF fighters bilang bahagi ng peace process.

Base sa kasunduan, kailangang i-decommission ang MILF fighters para hindi na ituring na combatant ang mga ito subalit kailangang isuko ang kanilang mga armas kapalit ng cash assistance na umabot ng P100,000.

Gayumpaman, sinabi ng mambabatas, mula nang lagdaan ang peace agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF noong 2014, 62% pa lamang sa 40,000 MILF fighters ang na-decommissioned.

“We should prioritize decommissioning of armed combatants so nobody can take up arms anymore, because we are addressing armed conflict here,” ayon sa mambabatas.

Subalit sa pagdinig ng nasabing komite kahapon, sinabi ni William Hovland, vice chairman ng Independent Decommissioning Body (IDB), 24,844 pa lamang sa 40,000 MILF fighters ang na-decommissioned matapos ang 8 taon.

Sa nasabing bilang, 4,625 armas ang isinuko ng mga na-decommissioned na MILF fighters, na malayong malayo pa sa 7,000 armas na dapat isuko ng mga ito kaya nagkalat pa rin umano ang armas sa BARMM. (BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment