Habang humahagupit ang Bagyong Paeng sa Or Mindoro MAYOR TEVES NAG-IKOT SA COASTAL BARANGAYS

SA gitna ng malakas na hagupit ng hangin at ulan dala ng Severe Tropical Storm Paeng, hindi nag-atubili ang grupo ni Naujan, Oriental Mindoro Mayor Henry Joel C. Teves na mag-ikot upang malaman ang kalagayan ng kanyang mga kababayan partikular iyong mga nasa coastal areas.

Kasama si Private Secretary Warly Jose Panganiban, binisita ni Mayor Teves ang coastal barangays kabilang ang Barangay Estrella, San Jose, Melgar A at Melgar B.

Inalam ng alkalde ang kalagayan ng mga residente at pinaalalahanan sila na maging laging handa at alerto sa anomang pwedeng maging epekto ng Bagyong Paeng.

Pinuntahan din ni Mayor Teves ang mga residente ng Barangay Melgar B na nagtulung-tulong mag-sandbagging upang magsilbing proteksyon sa malalakas na alon na maaaring pumasok sa kanilang kabahayan.

Nagtungo rin sa Municipal Health Office ang grupo ng alkalde upang kumustahin ang mga kawani na naka-duty na handang magbigay ng mga serbisyong medikal sakaling kailanganin.
Bukod dito, pinuntahan din ni Mayor Teves ang Municipal Engineering Office at nakipag-ugnayan sa mga driver ng heavy equipment upang matiyak na nakahanda ang mga ito sakaling may kailangang ilikas.

Bumisita rin ang alkalde sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Emergency Operation Center na naka-monitor sa kalagayan ng buong Naujan.
Hindi rin nakalimutang paalalahanan ni Mayor Teves ang mga responder na mag-ingat sa kanilang pagtupad sa tungkulin upang makaiwas sa aksidente.

Tsinelas Mula Kay Teves

Pagkagaling sa Barangay Mahabang Parang ay dumiretso si Mayor Teves kasama sina Executive Assistant Jojo B. De Villa, Vice Mayor Great M. Delos Reyes at mga kasapi ng Sangguniang Bayan na sina Konsehal Elmar B. De Villa, Konsehal Joefel C. Ylagan, Konsehal Howard Arteza at SKMF President Wyne Wyvvky G. Delos Reyes ganoon din si PTA Municipal Federation President Mara Edamzel L. Dudas sa San Andres Elementary School at Tagumpay Elementary School upang personal na ihatid ang kanyang munting handog na mga tsinelas para sa mag-aaral ng dalawang paaralan.

Sinabi ni Teves na ayaw niya na mayroon pang mga bata na papasok sa paaralan ng nakayapak kaya’t patuloy siyang mamamahagi ng tsinelas hangga’t sila ang nanunungkulan. Nag-iwan din siya ng tagubilin sa mga bata na mag-aral mabuti nang sa ganoon ay makapag-aral sila nang libre sa Colegio De Naujan sa mga darating sa panahon.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamunuan ng dalawang paaralan at ayon sa kanila ay damang-dama nila ang kabutihang loob ng alkalde dahil sa mga ginagawa nitong pagtulong at malasakit sa mga kabataang mag-aaral.
Katuwang sa gawaing ito ang mga staff ng Mayor Henry Joel C. Teves (MHJCT) Educational Assistance Program.
Nabatid na ang mga tsinelas na ito ay hindi nagmula sa kaban o pondo ng bayan kundi mula kay Teves at kanyang mga kaibigan at kakilala na sumusuporta sa kanyang adhikain.

Ulat sa Bayan

Nitong nakalipas na Oktubre 13, ginunita ni Mayor Teves ang kanyang kaarawan kasabay ng kanyang pag-uulat sa bayan o State of the Town Address (SOTA).

Dito inilahad ng alkalde ang kanyang mga napagtagumpayan at naisakatuparan gayundin ang mga sinimulang programa sa loob ng Unang 100 Araw ng kanyang panunungkulan.

Dumalo sa SOTA ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Great Delos Reyes, mga punong barangay, mga pinuno ng Sangguniang Kabataan, mga pinuno ng pampubliko at pribadong paaralan, Civil Society Organizations, mga opisyal ng PTA Municipal Federation, DILG family (PNP, BFP at BJMP) sa pangunguna ni MLGOO Sylvia Arago at mga kawani at opisyal ng mga tanggapan ng pamahalaang bayan.

Sa kabilang dako, upang mas mapaganda ang pagbibigay ng Serbisyong THE BEST sa mga Naujeño para sa Progresibong Naujan, dumalo at nagpakita ng suporta si Mayor Teves sa e-LGU program sa ilalim ng Digital Transformation ng Pilipinas (#DigiPinas) Initiative kasama si Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor at iba pang mga alkalde sa nasabing lalawigan.
Ang event ay ginanap noong Oktubre 18 sa Kapitolyo ng Oriental Mindoro.

Layunin nito na suportahan ang National Government Agencies (NGAs) at Local Government Units (LGUs) sa kanilang paglalakbay tungo sa Digital Transformation sa pamamagitan ng mas maayos at mabilis na serbisyo sa lalawigan na ang makikinabang ay ang Pamahalaang Panlalawigan at ang mga Lokal na Pamahalaan. Katuwang sa inisyatibong ito ang UBX Philippines Corporation na bahagi ng Aboitiz Techglomerate.

Ang aktibidad na ito ay kaugnay sa panawagan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsusulong at pagpapatupad ng Republic Act 11032 of 2018 o “Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Service Act” at bilang suporta sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)’s National Strategy for Financial Inclusion (NSFI) 2022-2028 at Digital Payments Transformation Roadmap (DPTR) 2020-2023 at pagsunod sa 2022 Executive Order 170 ng Office of the President on the Adoption of Digital Payments for Disbursement and Collections. (RONALD BULA)

19

Related posts

Leave a Comment