Halos P150-M shabu nakumpiska; 5 suspek arestado sa Muntinlupa

Limang katao ang arestado habang umaabot sa halos P150 milyon ang halaga ng mga hinihinalang shabu na nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs Manila International Container Port-Intelligence and Investigation Service (BOC MICP-CIIS), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa magkasunod na operasyong ikinasa sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City kamakalawa ng hatinggabi.

Ayon kay PDEA Assistant Secretary at officer-in-charge Gregorio R. Pimentel, na nanguna sa pagsalakay, nag-ugat ang operasyon sa natanggap nilang derogatory information na may mga foreign nationals na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng shabu at cocaine sa Australia.

Idinagdag naman ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na kaagad silang nag-aplay ng search warrants mula sa sala ni Executive Judge Myra B. Quiambao ng Muntinlupa Regional Trial Court at isinilbi ang mga ito sa mga target na lugar, na matatagpuan sa 304 Mabolo St. at 523 Madrigal Avenue, kapwa sa Ayala Alabang Village, sa Muntinlupa City.

Ang warrant sa 304 Mabolo St., na hinihinalang isang laboratoryo, ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na sina Aurélien Cythere, 41, French national, na residente rin ng naturang lugar, at Mark Anthony Sayarot, 42, negosyante, at residente naman ng Cabbage St., Valley 5, Brgy. Ugong, Pasig City.

Nakumpiska ng mga otoridad mula sa dalawang suspek ang humigit kumulang sa 20 kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P136 milyon, iba’t ibang Controlled Precursors and Essential Chemicals (CPECs) at laboratory equipment, ilang ID cards, tatlong mobile phones, at iba’t ibang uri ng financial documents.

Sa isinagawa namang pagsalakay sa 523 Madrigal Avenue, Ayala-Alabang Village, ay naaresto ang tatlo pang suspek na sina Ariana Golesorkhi, 33, Canadian national, negosyante; Audemar Ponsica, 31, driver; at Welmar Laban, 37, helper.

Nakumpiska mula sa kanilang ang dalawang self-sealing plastic bag na naglalaman ng humigit kumulang sa P13.6 milyon, UV drying machine, chest freezer, hot and cold pipes, water pump tube, assorted ID cards at credit cards, assorted na financial documents, passport, at ilang units ng mobile phones.

“This group used a modified setup for manufacturing shabu. The shabu is mixed in liquid form, then washed with acetone. It’s practically an odorless process, which is probably why they were confident in doing it here in a residential area,” ayon kay Pimentel.

“These suspects are linked to Mexican, Australian and Canadian drug trafficking groups. We are currently investigating these links and several other drug personalities,” dagdag pa niya.

Patuloy naman umano ang pag-uugnayan nina Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Jeoffrey Tacio at PDEA Director Adrian Alvarino matapos ang naturang matagumpay na anti-drug operation.

Habang nangangalap pa ng karagdagang impormasyon, ang mga nakumpiskang ebidensiya ay itinurn-over naman na sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination at para sa paghahain ng kaukulang mga kaso laban sa mga naarestong indibidwal.

Bago ang operasyon, sinabi na ni Customs Deputy Commissioner retired Maj. Gen. Juvymax Uy na ang BOC at PDEA ay bumuo ng Joint-Operation laban sa illicit drugs at suspected individuals na napaulat na sangkot sa pagpupuslit ng shabu at cocaine sa Australia noon pang Hunyo 16, 2022.

18

Related posts

Leave a Comment