Hamon kay Eleazar PNP-MARITIME REGION 1 TOP OFFICIALS SIBAKIN

0

MALAKING hamon kay General Guillermo Lorenzo Eleazar bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) ang pagtanggal sa top officials ng PNP – Maritime Region 1.

Ang hamon ay mahigpit na nakatali sa ipinangako at idiniin ni Eleazar na lilinisin niya ang PNP mula sa iba’t ibang porma ng katiwalian at korapsyon nakasisira sa pambansang organisasyon ng mahigit 220,000 puwersa nito.

Ayon pa kay Eleazar, hindi isyu ang pagiging maliit, o malaki, ng nagawang pagkakamali dahil ang isyu rito ay patuloy na pagdungis at pagwasak sa kredibilidad at imahe ng PNP.

Nakarating sa SAKSI Ngayon ang usapin tungkol sa pamunuan ng PNP – Maritime Region 1 nang makitang walang dudang makabuluhan ang kanilang hinaing laban sa nasabing yunit ng PNP.

Ayon sa impormasyon na inilabas sa BADILLA Ngayon kolum nitong Biyernes (Hulyo 16), mayroong natatanggap na buwanang tara ang ilang pulis ng PNP-Maritime Region 1 mula sa mga mangingisda sa rehiyon.

Bukod sa buwanang tara, o padulas, nagbibigay rin ang mga mangingisda ng mga mamahalin at magagandang isda upang hindi sila hulihin at istorbohin.

Ngunit, sabi ng mga mangingisda ay nahuhuli pa rin sila kahit may ipinararating na pera at isda sa mga pulis ng PNP – Maritime Region 1.

Mayroong itinuturong partikular na batas ang mga pulis na nilabag umano ng mga mangingisda.

Ngunit, kung pag-aaralan at susuriing maigi ay hindi matumbok at madiretso kung nakasisira ba sa karagatan, corals at iba pang yamang – dagat ang mga mangingisda.

Kaya, ang malabong usaping ito na paglabag umano sa batas at alituntunin ng pangingisda ay siyang ginagamit ng mga oportunistang pulis upang magkapera kada buwan at magkaisda bawat buwan.

Kaya, idinaing ng mga mangingisda na kahit saang anggulo sipatin ay kawawa sila.

Takot namang maghain ng pormal na reklamo ang mga mangingisda laban sa mga pulis at sinomang opisyal ng pamahalaan, partikular sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil siguradong gagantihan sila tulad ng mga naganap sa mga nakalipas na taon.

Ang pangako ni General Eleazar na linisin ang PNP habang siya ang nakaupo ay magandang pagkakataon upang ‘makahinga’ ang mga mangingisda mula sa buwanang tara at pamimigay ng mga isda sa mga pulis ng PNP – Maritime Region 1.

Ang nakikita nilang ‘kagyat’ na kasagutan ay matanggal at ilipat sa Camp Rafael Crame sa Quezon City ang top officials ng PNP – Maritime Region 1 habang pinag-aaralan ni Eleazar na tuluyan nang matuldukan ang katiwalian at korapsyon mula sa mga notoryus na pulis.

Umaasa ang mga mangingisda na ang itatalaga ni Eleazar ay paiiralin ang “no take policy” ng PNP mula sa nasabing sektor ng batayang masa. (NELSON S. BADILLA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment