Hangga’t malaya ang mastermind PERCY LAPID SLAY ‘UNSOLVED CASE’ PA

HINDI pa maaaring ituring na solved case na ang pagpatay sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid kahit hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang umaming gunman hangga’t malaya pa ang mastermind sa krimen.

Pahayag ito ni House minority leader Marcelino Libanan kahapon matapos makumbinsi ang kapatid ni Mabasa na si Roy, na ang sumukong suspek na si Joel Escorial ang gunman.
“We welcome the break in the case, which was clearly facilitated by the Department of the Interior and Local Government’s decision to quickly put up reward posters with the gunman’s CCTV image,” ani Libanan.

“However, as far as we’re concerned, the case is unsolved as long as the mastermind is scot free,” dagdag pa nito.

Sinang-ayunan naman ito ng pulisya.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang sumukong gunman pa lamang na si Escorial ang nasa kanilang kustodiya kaya hindi pa rin nila itinuturing na case closed ang kaso.
Bukod dito, hindi pa aniya nahuhuli ang mga pinangalanang kasabwat ng self-confessed gunman, gayundin ang mastermind sa likod ng krimen.

Nilinaw rin ng opisyal na hindi mapupunta kay Escorial ang P6.5 milyong reward kaya nananatili itong ‘existing’ para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa iba pang sangkot sa pagpatay sa brodkaster.

Middleman Proteksyunan

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mabibigyan ng sapat na proteksyon ang tinukoy na “middleman” na umano’y nag-utos para itumba si Percy Lapid.

Sa follow-up investigation ng binuong Lapid SITG (Special Investigation Task Group) at base sa salaysay ng sumukong alleged gunman na si Escorial ay natukoy na ang sinasabing middleman ay nakakulong sa Metro Manila sa kasong may kaugnayan sa droga.

Sa isang panayam ay inihayag ni Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia, officer in charge ng PNP-Deputy Chief for Administration na nakipag-ugnayan na ang SITG sa jail facility para ma-secure ang sinasabing middleman.

Sa isang panayam, ikinuwento ni Roy Mabasa, kapatid ni Lapid at isa ring mamamahayag, na ipinakita sa kanya ni Southern Police District (SPD) Director Kirby John Kraft ang pangalan at larawan ng middleman.

“Pinakita niya sa ‘kin yung pangalan at litrato ng middleman, kaya lang, I’m not at liberty to disclose it dahil may operation na isinasagawa ang mga pulis, so hayaan na natin sila. At least, nagkaroon siya ng pagkakataon na ipakita sa ‘kin. Siguro, baka iniisip niya na ako’y may doubt kasi kapag sinabi mong middleman, there are thousands of possible middlemen ano,” saad ni Mabasa sa isang radio interview.

Una nang sinabi ni Escorial na ang ‘middleman’ na kumontrata sa kanila para patayin si Percy Lapid ay nasa loob ng ‘bilibid’.
“No effort should be spared to single out, apprehend, prosecute and put behind bars the mastermind who supposedly paid for the contract killing,” ayon pa kay Cong. Libanan.

“The authorities should follow the money. An examination of the money transfers may well lead to the mastermind,” ayon pa sa mambabatas lalo na’t inamin ni Escorial na P550,000 ang ibinayad sa kanilang grupo kung saan P140,000 ang idineposito sa kanyang BDO account. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)

12

Related posts

Leave a Comment