Hangga’t walang kinakasuhan – solon KARTEL, PROTEKTOR NG SIBUYAS MAMAMAYAGPAG

HINDI matatapos ang pagsasamantala at pagmaniobra sa presyo ng sibuyas at iba pang produkto kung hindi seryosong papapanagutin ang mga nasa likod nito.

Para kay ACT party-list Rep. France Castro, makakamit lang din ng mga magsasaka at consumers ang katarungan kung masampal ng kasong economic sabotage ang kartel at kanilang mga protektor sa gobyerno.

Reaksyon ito ng mambabatas matapos lumabas sa imbestigasyon ng Senado na binibili lamang ng P8 hanggang P10 ang bawat kilo ng sibuyas sa mga magsasaka subalit ibinebenta ng mga tiwaling negosyante sa halagang P600 hanggang P700.

“Justice can only be done for these farmers when their harvest are both at fair prices and government fully supports them. The unscrupulous traders cartels as well as their protectors should also be held to account and charged with economic sabotage,” ani Castro.

Hindi naniniwala ang mambabatas na walang protektor sa gobyerno ang kartel kaya kailangang hubaran aniya ang mga ito ng maskara at kasuhan dahil kung hindi ay magpapatuloy ang ganitong pandaraya sa magsasaka at consumers.

Binigyang diin din ng mambabatas ang pagbibigay ng katarungan sa limang magsasaka sa Bayambang, Pangasinan na nagpakamatay umano matapos baratin ang kanilang aning sibuyas kaya nalubog ang mga ito sa utang.

“Nakakalungkot at nakakagalit na dahil sa pagkalubog sa utang ay nagpapakamatay na ang ating mga magsasaka ng sibuyas samantalang ang kanilang mga produkto naman ay binebenta sa napakataas na halaga sa mga palengke,” ayon pa kay Castro.

Pahaharapin
sa Senado

Samantala, nais ni Senador Robin Padilla na ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senate committee on agriculture ang mga pinangalanang smuggler ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Iginiit din ni Padilla na padaluhin sa susunod na pagdinig sa isyu ng mataas na presyo ng sibuyas ang mga mamamahayag na nagsulat ng mga artikulo tungkol sa mga smuggler upang malaman kung paano nila nakuha ang mga pangalan.

Una nang iginiit ni Committee Chairperson Cynthia Villar na mula taong 2014 pa lumalabas ang mga parehong pangalan ng mga hinihinalang big time smuggler, kabilang dito ang isang nagngangalang Leah Cruz.

Samantala, muling iginiit ni Senador Imee Marcos ang pangangailangan ng presensya ni Bureau of Customs (BOC) commissioner Yogi Filemon Ruiz sa pagdinig.

Iginiiit ni Marcos na nakakailang pagdinig na ang Senado na hinihiling ang presensya ni Ruiz pero laging ibang kinatawan ng Customs ang kanyang pinadadala.

Cold storage facilities

Kaugnay nito, magtatayo ang Department of Agriculture (DA) ng anim na cold storage facilities sa apat na onion-producing regions simula ngayong taon bilang suporta sa mga magsasaka.
Sa ulat, ang bawat pasilidad ay mayroong 20,000 bags na nagkakahalaga ng P40 million at itatayo sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at Mimaropa regions.

“Tayuan po ng mga storage facility nang sa gayon during peak season ng harvest, malagyan na. Hindi po sagot ang importation. Napakalaking potensyal po ng lugar namin,” ayon kay San Jose, Occidental Mindoro agriculturist Romel Calingasan sa Senate hearing.

Dalawang cold storage facilities naman ang itatayo sa Occidental Mindoro subalit ang inaalala ni Calisangan ay ang lokasyon.

Nauna rito, inulit ni Pangulong Bongbong Marcos ang pangangailangan na suportahan ang mga magsasaka.

Iginiit nito na ang importasyon ay hindi dapat “long-term response” para protektahan ang mga magsasaka at makinabang ang consumers sa mababang commodity prices.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

16

Related posts

Leave a Comment