(CHRISTIAN DALE)
BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang pagdinig ng House committee on good government and public accountability na itinuturing niya bilang isang political attack para sirain siya at tulungan si Speaker Martin Romualdez sa sinasabing ambisyon para sa pagka-pangulo.
Si Romualdez ay hindi naman naging aktibong kalahok sa mga pagdinig kung saan ang mga miyembro ay naghahangad ng pananagutan para sa public funds, subalit ipinanukala na dumalo si VP Sara at mag-testify sa ilalim ng panunumpa.
“On that point, nanalo si Martin Romualdez. She’s resigning. Tatapusin lang niya ‘yung hearings,” ayon kay VP Sara patungkol sa kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Ani Duterte, bukas si Lopez na magbitiw sa puwesto matapos itong i-contempt ng mga mambabatas at ipalipat sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong.
Ani Duterte, na-trauma si Lopez matapos na ikulong sa custodial center ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong November 20.
“Sabi niya, ‘I want to resign. I want to resign from the Office of the Vice President’ and I told her okay. Sabi niya, ‘I want to go home to my mother’,”ang sinabi ni VP Sara sa isang panayam sa Veterans Memorial Medical Center.
Si Lopez ay pinayagan na ng doctor nito na makalabas mula sa St. Luke’s Medical Center bago ibalik sa Veterans Memorial Medical Center para sa mas marami pang pagsusuri.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni VP Sara na dadalo pa rin si Lopez sa mga pagdinig sa Kongreso.
44