HIGH GRADE MARIJUANA HULI NG PDEA, BOC

TINATAYANG mahigit P52,000 halaga ng kush marijuana o high grade marijuana ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency.

Sa report na ibinahagi ng PDEA, ang kontrabando ay mula sa Pennsylvania, USA na idineklarang naglalaman ng “goodies”.

Nang dumaan sa x-ray inspection at K9 sweeping ay na-trace na naglalaman ng ilegal na droga.

Sa physical examination, nadiskubre ang walong canisters na naglalaman ng dried buds at usbong ng high-grade marijuana.

Ibinigay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sample nito para sa chemical laboratory analysis na siyang nakumpirma na ito ay tetrahydrocannabinol/marijuana, ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil dito, agad na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Section 4 ng RA 9165.

Ikinasa naman ang controlled delivery operations ng PDEA at BOC sa Malabon City na nagresulta sa pagkakaaresto sa hindi muna pinangalanang claimant na residente ng nasabing lungsod. (JESSE KABEL)

102

Related posts

Leave a Comment