BUKAS na sa aspiring doctors subalit walang kapasidad para makapag-aral ng medisina, ang 2,189 scholarship slots sa ilalim ng programang “Doktor sa Bayan” para sa school year 2023-2024.
Ito ang inanunsyo ni House Deputy Speaker Ralph Recto. Ang nasabing bilang ng mga scholarship slot ay karagdagang sa naunang 1,411 medical students na pinag-aralan nang libre.
“Medical scholars will study in 16 state universities and 16 private schools in 15 regions. Lahat ng rehiyon meron, maliban sa Caraga at MiMaRoPa, pero magkakaroon din doon kung meron nang ma-accredit na medical schools,” paliwanag ni Recto.
Sinabi ng mambabatas, sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), naglaan ng P917 billion na kinabibilangan ng P500 million para sa “Medical Scholarship and Return Service Program”.
Kasama rin dito ang P167 million para sa “Subsidy for Tuition Fees for Medical Students in State Universities and Colleges” at P250 million na start-up fund sa State University and Colleges (SUCs) na sasali sa programa para sa pagpapatayo ng mga pasilidad at mga medical equipment na kailangan ng medical students.
Sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 11509 o Doktor Para sa Bayan Act, ang gobyerno ang magpapaaral sa mahihirap subalit deserving students na gustong kumuha ng kursong medisina.
“In return for the free education, scholars will ‘repay the generosity of the Filipino people’ by serving in designated communities and facilities after passing the medical board tests,” ani Recto. (BERNARD TAGUINOD)
