(BERNARD TAGUINOD)
MULA sa mahigit dalawang bilyong pisong budget sa susunod na taon, mahigit pitong daan milyon na lamang ang magiging pondo ng Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon.
Ito ang rekomendasyon umano ng Executive Committee (ExeCom) ng House committee on appropriations sa kanilang pulong kaugnay ng inaprubahang pondo ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Base sa dokumentong ibinigay sa mga mamamahayag sa Kamara, P733,198,000 na lamang ang budget ng OVP sa 2025 na mas mababa ng P1,293,159,000 sa original na P2.026,357,000 na unang nakasaad sa National Expenditure Program (NEP).
Kabilang sa mga tinanggal sa budget ng OVP ang P200 million na nakalaan sa supplies; P92,408,000 na pambayad ng consultants; P947,445,000 para sa financial assistance, P48,306,000 sa rent/lease expenses at P5,000,000 na unang inilaan sa utility expenses.
Nabatid na hinati ang nasabing pondo sa dalawa kung saan ang P646,580,000 ay inilipat sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program Fund ng Department of Health (DOH) habang ang natitirang P646,579,000 ay inilipat sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tuluyang nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng Kamara at VP Duterte dahil sa pagkalkal ng mga mambabatas kung papaano at saan nito ginamit ang kanyang P125 million confidential funds noong 2022.
Sa unang pagharap ni Duterte sa budget hearing ng kanyang tanggapan noong Agosto 27 sa Kamara, hindi nito sinagot ang mga tanong ng mambabatas ukol sa nasabing pondo lalo na ang P73 million na ipinasauli ng Commission on Audit (COA) dahil ginamit umano ang perang ito sa mga bagay na walang kinalaman sa surveillance.
Sa ikalawang pagdinig ng House committee on appropriations noong September 10, 2024, hindi na sumipot si Duterte na lalong ikinagalit ng mga mambabatas kaya nagpasya ang mga ito na itigil ang pagdinig at pag-usapan na lamang ito sa plenaryo.
62