NAIPAMAHAGI na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit P11 milyong halaga ng tulong sa mga pamilya na labis na naapektuhan ng malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Biyernes.
Sa katunayan, tinatayang may 1,1015 benepisyaryo ang nakatanggap ng food packs sa munisipalidad ng Don Marcelino at Sarangani sa Davao Occidental habang may 2,800 food boxes naman ang naipamahagi na sa bayan ng Glan, at General Santos City sa Sarangani.
Nagbigay rin ng pinansiyal na tulong sa 2,317 residente mula sa bayan ng Glen at Malapatan, at General Santos City.
“The DSWD remains steadfast in our mission to provide timely and efficient assistance to communities affected by the earthquake,” ayon kay DSWD Spokesperson Romel Lopez.
“Food packs and other essential items have been strategically prepositioned and are ready for immediate distribution,” dagdag na wika nito.
Samantala, makikita sa pinakabagong data mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pumalo na sa siyam ang naiulat na nasawi sa magnitude 6.8 na lindol na tumama sa Davao Occidental nitong Biyernes.
Ayon sa NDRRMC, walo sa naiulat na nasawi ay mula sa Soccsksargen at isa naman sa Davao Region.
Umabot naman sa 15 indibidwal ang naiulat na sugatan.
May kabuuang 12,885 indibidwal o 2,489 pamilya sa 43 barangay sa Soccsksargen at Davao ang apektado ng lindol.
(CHRISTIAN DALE)
207