HILING NG DOH: HEALTH PROTOCOL IPATUPAD SA CHRISTMAS SEASON

HINILING ng Department of Health sa publiko na ipatupad pa rin ang health protocol laban sa Covid-19 sa nalalapit na Christmas season.

Ito ay bunsod ng pagpapaluwag ng pamahalaan sa health restrictions sa matataong mga lugar sa pamamagitan ng boluntaryong pagsusuot ng facemask sa loob at labas ng mga establisimyento.

Ayon kay DOH-OIC Maria Rosario Vergeire, ngayong patuloy nang pinagagaan ang paghihigpit tulad nang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa indoors at outdoors, dapat ipabatid sa lahat na mataas pa rin ang risk level sa Covid-19 kaya mas makabubuting magsuot pa rin nito.

Sinabi ni Vergeire, posibleng maging high risk sa Christmas season dahil panahon ito na maraming gaganaping mga pagtitipon katulad ng parties, at reunions

“Dito kapag high risk na sinasabi natin, nandun ‘yung mas mataas na tyansa na ikaw ay magkakaroon ng sakit kung saka-sakali,” saad ni Vergeire sa press briefing noong Biyernes.

Ayon kay Vergeire, mahigpit pa rin nilang inirerekomenda na ang lahat ay dapat na bakunado o magpabakuna at tanggapin ang first dose, second dose at magpa-booster para mas protektado.

“Paalala po natin sa darating na Kapaskuhan, wala po tayong mga restrictions na  — base po dun sa alert level system na —wherein halos lahat ng local governments natin ngayon halos lahat nasa alert level 1 na, so wala po tayong restrictions as to age o maybe the capacity,” dugtong pa nito

Umaasa ang opisyal na magkaroon ang publiko ng “informed decision” sa kanilang mga sarili at kailangang alam ang preventive measures na gagawin. (RENE CRISOSTOMO)

27

Related posts

Leave a Comment