LAGUNA – Kinilala na ng kanilang mga kaanak ang bangkay ng lalaki at babae na natagpuang nakagapos at itinapon sa construction site ng TR4 SLEX Extension sa Brgy. San Miguel, sa bayan ng Alaminos sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.
Tiniyak din ng Alaminos Police na hindi Chinese nationals ang mga biktima kundi mag-live-in partner na mga residente ng Barangay Marketview, Lucena City.
Base sa isang intelligence report, unang inakala na mga Chinese ang mga biktima dahil sa facial features ng mga ito.
Ayon sa Alaminos Police, noong Linggo ng umaga ay dumating na ang mga kapamilya ng mga ito mula sa Lucena City at positibong kinilala ang mga biktima matapos na malamang may natagpuang mga katawan doon.
Ayon sa isang anak ng mga biktima, araw ng Biyernes nang mawala ang kanilang mga magulang at ayon sa ilang nakasaksi, puwersahang dinukot ng hindi kilalang mga armadong lalaki ang mag-asawa habang ang mga ito ay magkaangkas sa motorsiklo sa barangay road sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City.
Isinakay umano ang mga biktima sa isang hindi naplakahang puting van.
Napag-alaman din mula report ng Alaminos Police, base sa salaysay ng kapatid, ang lalaking biktima ay dating may kasong murder subalit ito ay naresolba na.
Nakulong din dati ang dalawa dahil sa kasong illegal na droga subalit nakalaya matapos maabswelto sa kaso.
Magkatulong na nag-iimbestiga ang mga tauhan ng Alaminos PNP at Lucena PNP para malutas ang kaso at upang malaman kung sino ang may kagagawan at kung ano ang motibo sa krimen.
Bukod sa nakagapos ang mga kamay, nakabalot sa sako ang mga biktima at may mga tama ng hindi pa matukoy na armas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
(NILOU DEL CARMEN)
262