Hindi masisisi kung magwelga – solon PUJ OPERATORS/DRIVERS MAPUPUTULAN NA NG KAYOD

HINDI masisisi ang mga tsuper at operators ng mga public utility jeep (PUJ) sa kanilang ikinasang tatlong araw na transport strike dahil mahigit isang buwan na lamang ay mawawalan na sila ng hanapbuhay.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, mistulang minamadali ng gobyerno sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mawala sa lansangan ang mga traditional jeep kaya ayaw iatras ang December 30 deadline para sa konsolidasyon ng prangkisa sa isang kooperatiba sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nangangahulugan na nakatakdang mawala na ang individual franchise dahil kooperatiba na ang hahawak dito kaya kahapon, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ay sinimulan ang 3 araw na transport strike.

“Kasama natin ang PISTON sa mga panawagan laban sa ‘di makataong modernisasyon at naniniwala tayo na dapat ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines at repasuhin ang PUV Modernization Program na naglalayong tanggalan ng kabuhayan ang mga maliliit na jeepney franchise owners at ibigay ito sa mga malalaking negosyante at mga kumpanya,” ani Manuel.

Sinabi ng mambabatas na hindi totoong makikinabang ang mga commuter sa PUVMP dahil mangangahulugan aniya ito ng pagtaas ng pasahe at higit sa lahat ay daan-daan libong tsuper at operators na gumagamit pa ng traditional na pampasaherong jeep ang mawawalan ng hanapbuhay.

“Kaya nating magkaroon ng modernisasyon na nagbibigay ng angkop na tulong sa mga individual franchise holders, at hindi biased sa mga malalaking korporasyon,” ayon pa sa mambabatas.

Maging si Agri party-list Rep. Wilbert Lee ay hindi masisi ang mga PUJ sa kanilang welga dahil bukod sa nanganganib ang hanapbuhay ng mga ito ay pinapahirapan sila ng gobyerno para mapakinabangan ang inilaang pondo para magkaroon ang mga ito ng modernong jeep.

Sa ilalim ng batas, pwedeng mangutang ang mga tsuper at operators sa Landbank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP) para magkaroon ang mga ito ng bagong unit subalit sa haba aniya ng requirement, marami ang nasisiraan ng loob.

“Daig pa ang sasakyang na-traffic sa EDSA rush hour itong jeepney modernization program natin kasi hindi na talaga ito umusad dahil sa dami ng requirements at hirap ng prosesong kailangang daanan,” ani Lee.

(BERNARD TAGUINOD)

158

Related posts

Leave a Comment