HIPAG IPINAARESTO SA KINUPIT NA P50K

CAVITE – Ipinaaresto ng isang ginang ang kanyang hipag na inakusahan nitong tumangay ng kanyang P50,000 cash sa kanyang bahay sa bayan ng Mendez sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek na si Chewie Tolentino y Magpayo, 43, dahil sa reklamo ng kanyang hipag na si Irene Tolentino y Gabriel, 40-anyos.

Ayon sa salaysay ni Irene kay Corporal Christian Espiritu ng Mendez Police Station, dumalaw ang kanyang hipag at asawa nito sa kanilang bahay sa Brgy. Panungyan 2, Mendez, Cavite dakong alas-2:30 ng hapon.

Habang nasa loob ng bahay ang kanyang hipag, napansin nitong nagtungo ito sa kusina ng kanilang bahay kung saan nakalagay ang kanyang bag na naglalaman ng P50,000 at pasimpleng binuksan nito pero nang makita siya ay mabilis itong lumabas.

Bandang alas-11:00 ng gabi, tiningnan niya ang kanyang bag at nadiskubreng nawawala ang kanyang pera at naniniwala siyang may kinalaman ang kanyang hipag dahil ito lamang ang nakita niyang nagbukas ng kanyang bag.

Nag-usap-usap silang magpapamilya at nagkasundong ayusin at pag-usapan ang kanilang problema subalit tumanggi umanong makipagkooperasyon ang kanyang hipag dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya ang ginang at ipinaaresto ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)

85

Related posts

Leave a Comment