HOARDING NG SIBUYAS, BAWANG PINASISIYASAT NI ROMUALDEZ

PAIIMBESTIGAHAN ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga ulat na sinasadya ng mga tusong negosyante ng sibuyas at bawang na itago ang mga stock nila ng mga naturang pampalasa upang mapataas ang presyo ng mga ito sa merkado.

Kasabay nito, tiniyak ni Romualdez nitong Linggo na sasampahan nila ng kaso ang lahat ng negosyanteng mapatutunayang nagho-hoard ng mga naturang produkto upang manipulahin ang presyo nito sa merkado.

“Bilang na ang mga araw ninyo,” babala pa ng House Speaker sa mga mapagsamantalang negosyante ng sibuyas at bawang.

“May mga impormasyon kami na tinatago nila ang mga sibuyas, at ngayon pati mga bawang na rin para kapusin ang suplay at tumaas ang presyo ng mga ito,” ayon kay Speaker Romualdez.
Pinuna ni Romualdez na sa kabila ng kasalukuyang pag-aani ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas at ang pagpasok ng import ay nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihang bayan.

Malinaw umano na may nagmamanipula sa presyo ng mga naturang bilihin. “This is economic sabotage,” ayon pa sa Speaker.

Dagdag pa ni Romualdez, “pag-aaralan natin kung dapat na irekomenda sa Pangulo na patuloy tayong mag-import ng sibuyas at bawang para mapilitan na itong mga tusong negosyante na ilabas ang mga stock nila at mapababa natin ang presyo para maibsan ang pasanin ng ating mamimili”.

Subalit iginiit ni Romualdez na kung gagawin ang naturang importasyon ay marapat lamang tiyaking hindi masasaktan ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang.
Plano rin ni Romualdez na pabantayan ang presyo nito araw-araw.

“People are still trying to recover from pandemic. Hindi natin kailangan itong mga ganitong sinasadyang pagtaas ng mga presyo ng pagkain,” ayon sa mambabatas mula sa Leyte.
Samantala, sinabi rin ni Romualdez na dapat mapigilan ang smuggling ng sibuyas at iba pang katulad na produktong agrikultural sa bansa na pumapatay sa lokal na industriya.

53

Related posts

Leave a Comment