NAKAHANDANG maglabas muli ng pondo ang House of Representatives para sa mga lugar o distrito na nasasakupan ng mga miyembro nito na tinamaan ng Bagyong Pepito.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, “Inaantay lang namin ang report ng aming mga miyembro at kung magkano ang pinsala sa kani-kanilang mga lugar para makapagpalabas ng pondo para sa mga biktima ng dumaang bagyo.”
“Of course yung pondo na ibibigay natin ay para doon sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay at siyempre yung para sa pangkain ng mga pamilya dahil maaaring nawalan sila ng hanapbuhay dahil sa bagyo,” paliwanag ni Romualdez.
Inaasahan na ngayong Lunes ay magsusumite na ang mga miyembro ng Kongreso na ang mga lugar ay dinaanan ng Bagyong Pepito ng kanilang mga request for financial assistance para sa mga constituents nila.
Aniya, “We always anticipate na after every calamity may mga nangangailangan talaga ng tulong kaya nakahanda naman tayo para sa mga ganitong sitwasyon”.
Ayon sa ulat, lubos na apektado ang Bicol region kung saan pumasok ang Bagyong Pepito noong weekend at muling nagdulot ng pinsala roon.
36