ILANG BIYAHERO MULA CHINA POSITIBO SA COVID

PANSAMANTALANG dinala sa isolation facilities ang ilang pasahero na nanggaling sa China makaraang madiskubre ng Bureau of Quarantine (BoQ) na positibo ang mga ito sa COVID-19.

Ayon sa ulat ni BoQ deputy director Roberto Salvador Jr., hindi pa ito makapagbibigay ng eksaktong numero ng mga biyahero na nadiskubre nilang positibo sa virus.

“Marami nang dumarating na Chinese pero iilan lang naman ‘yung mga nire-require natin na mag-antigen test — ‘yung mga partially vaccinated. Meron ding nag-positive at ngayon naka-isolate naman po siya doon sa mga isolation facilities natin,” pahayag  ni Salvador.

Kakaunti lamang umano ang mga nagpositibo na kinailangan na sumailalim sa antigen test dahil pumasok sila sa Pilipinas na walang testing at hindi o partially na bakunado.

Sa kasalukuyang protocols, tanging mga dayuhang biyahero na hindi pa fully-vaccinated ang kinakailangang magprisenta ng negatibong antigen o RT-PCR test sa pre-departure at paglapag sa Pilipinas.

Dinala na ang mga sample ng mga biyahero sa Philippine Genome Center para matukoy kung anong variant ang kanilang taglay habang nasa istriktong isolation ang mga ito.

“As early as December 29, nagbaba na ang BoQ ng alert notice ng mga travelers galing China. Ito ay pinagtibay ng memorandum order ng Department of Health ( DOH) na inuutusan ang Bureau of Quarantine at lahat ng agencies na maghanda at magbantay sa mga arriving travelers natin from China,” pahayag pa ni Salvador. (RENE CRISOSTOMO)

33

Related posts

Leave a Comment