Ilegal protektado? LEGAL NA STL HINUHULI SA TAGUIG

SA kagustuhang magkaroon ng accomplishment, tinarget na umano ng mga tauhan ng Taguig Police Station ang legal na Small Town Lottery (STL) at inaresto ang mga tauhan nito.

Sa sumbong sa SAKSI Ngayon, labing siyam sa mga tauhan ng isang STL operator na kinabibilangan ng mga kabo at empleyado ang dinakip kamakailan ng tropa ni PCapt. Darwin Salvador, hepe ng Intelligence Section ng Taguig Police dahil umano sa pagbu-bookies.

Ito ay sa kabila ng pagpapakita ng certification ng operator ng STL na nagpapatunay na legal ang kanilang operasyon.

Nabatid na ikinasa ang anti-criminality police operation laban sa iba’t ibang ilegal na sugalan partikular ang number games sa Taguig sa utos ng chief of police nito na si PCol. Robert Baesa.

Sa gitna na rin ito ng babala ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Benjamin Acorda Jr. na tatanggalin ang mga district director, city director, regional, director at provincial director kapag napatunayang may jueteng o bookies at anomang uri ng ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Ngunit maraming matataas na opisyal umano ng PNP ang napapailing at ngising-aso sa idineklarang “One-Strike” Policy ni PNP Chief Acorda Jr. laban sa jueteng, lotteng, bookies at iba pang sugal sa bansa.

Tulad ng alam ng lahat, wala pang natanggal na direktor kahit sa mga rehiyong kilalang nakabaon na ang jueteng at bookies ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) tulad na lamang sa Taguig at Pateros.

Katunayan umano ay patuloy na namamayagpag ang STL na bino-bookies ni alyas Yankee sa nasabing mga lungsod.

“Bakit ‘yun legal ang hinuli hindi yun ilegal at totoong bookies ni Yankee? tanong ng isa sa mga nagrereklamo.

Dahil aniya sa pangyayari ay mistulang protektado ang ilegal na sugal sa Taguig at ang isinasakripisyo para magmukhang nagtatrabaho ang mga pulis ay iyong legal o totoong STL operation.

Ang bookies na ito ang dahilan kaya hindi tumataas ang kubransa ng authorized agents ng STL na Bet and Win Gaming Corporation at Trojan Marketing Inc. sa Taguig at Pateros.

Maaari itong magdulot ng pagkalugi ng kanilang STL na magiging dahilan naman para kapusin sila ng pambayad sa PCSO para sa kanilang Guaranteed Minimum Monthly Retail Receipt (GMMRR).

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

111

Related posts

Leave a Comment