CAVITE – Arestado sa entrapment operation ang isang hinihinalang illegal recruiter matapos kolektahan ng pera ang mga biktima kapalit ng umano’y trabaho sa ibang bansa, sa Bacoor City noong Martes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si alyas “Buena”, nahaharap sa kasong large scale estafa and illegal recruitment.
Ayon sa reklamo ng mga biktimang sina Ario Gatbonton y Tulabot, Ronel Abcede y Diana, Jinno Pereater y Casme, Rose Ann Olarte, Jose Ramil Diana y Medranom at Maria Jennie Diana y Rilyas, ni-recruit sila ng suspek para magtrabaho sa Australia bilang mga IT Encoder at humingi sa kanila ng halagang P40,000 bawat isa kapalit ng processing fee, at down payment na P20,000.
Nabatid na nakakuha na umano ng mahigit P240,000 ang suspek mula sa nasabing mga biktima.
Gayunman, matagal umanong naghintay ang mga biktima ngunit hindi pa rin sila napapaalis ng suspek kaya humingi na sila ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip dito sa ikinasang entrapment operation sa Bacoor City.
(SIGFRED ADSUARA)
135