CAVITE – Tinutugis ng mga tauhan ng Cavite Police ang dalawang kalalakihan na nangholdap at pumatay sa isang Indian national sa Bacoor City noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Jatinder Pal Singh, 38, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat ni Corporal Marco Romero Cupo ng Bacoor City, dakong alas-11:00 ng umaga nang maningil ng kanyang mga pautang ang biktima sa Arevalo Compound, Brgy. Real 1, Bacoor City.
Nilapitan umano ito ng mga suspek, nagdeklara ng holdap at tinangay ang pera na nakolekta ng biktima.
Hindi pa nasiyahan ang mga suspek, binaril pa ang biktima na nagresulta sa agarang kamatayan nito.
Ayon kay P/Lt. Colonel Ruther Saquilayan, hepe ng Bacoor City Police, inaalam pa nila kung magkano ang halaga ng natangay na pera habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
