INFRA PROJECTS PALALAWAKIN SA MGA PROBINSYA

ISUSULONG ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga proyektong pang-imprastraktura sa mga lalawigan.

Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde, “A peso spent in Metro Manila will never give us much economically, but the same peso spent in the provinces will give us more in terms of return.”
Sa kanyang pagbisita sa Iloilo, sinabi ni Moreno na kung siya’y mahalal bilang pangulo, ang mga Pilipino ay makaaaasa ng higit pang mga proyekto, partikular sa mga probinsya na nahuhuli sa usapin ng pag-unlad.

“Makikita mo ang mas maraming development dahil nag-iikot na ako sa bansa, at masaya ako na sa ilang probinsya, may sapat na infrastructure development,” saad niya.

“Ngunit karamihan sa mga lalawigan ay nangangailangan ng higit na pag-unlad maging ito man ay sa irigasyon, pagsasaka, agrikultura, pangisdaan o anomang industriya,” punto pa niya.
Binigyang-diin ni Moreno na ang mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng kanyang termino ay mabilis na maisasakatuparan tulad ng ginawa niya noong pinangunahan niya ang pagtatayo ng Mega COVID-19 Field Hospital sa Maynila, na natapos sa loob lamang ng 52 araw.

“Hindi naman kailangan matapos ang termino ng isang presidente bago matapos ‘yung tulay,” saad niya.

Sinabi rin ng Manila Mayor na bukod sa sariling program, plano niyang ipagpatuloy ang mga kasalukuyang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build ng kasalukuyang administrasyon.
“I’ve been saying na kung anoman ang ginagawa ng ating Pangulong Duterte tungkol sa Build, Build, Build, ‘yun ay itutuloy natin,” aniya pa.

“Nasimulan na, nakakapanghinayang naman sa ating taxpayer’s money kung ititigil,” saad pa ng alkalde na nagsabi ring dadalhin niya ang kanyang tatak na “Tao Muna” sa kanyang bersyon ng Build, Build, Build dahil hangad nitong lumikha ng mas maraming ospital, pabahay, paaralan, negosyo, at trabaho. (RENE CRISOSTOMO)

3

Related posts

Leave a Comment