INIHAING KASO NG CALOOCAN PNP VS ‘PEKENG’ KIDNAPPING IBINASURA

IBINASURA ng Office of City Prosecutor ng Caloocan City ang mga kasong isinampa ng Caloocan City Police Station (CCPS) laban sa isang babaeng inakusahan ng pulisya na pineke ang tangkang pagdukot sa kanya noong nakaraang buwan.

Dinispatsa ni Assistant City Prosecutor Marni Rose D. Zatarain ang habla ng CCPS laban kay Samantha Pargad dahil sa kakulangan ng probable cause.

Noong Setyembre, kinasuhan ng CCPS si Pargad ng ‘unlawful means of publication and unlawful utterances’ sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code (RPC), at libel sa ilalim ng Art. 353 ng RPC.

Ito ay  matapos na umano’y palabasin ni Pargad na tinangka siyang dukutin ng isang lalaking nakamotorsiklo na nagpakilalang pulis sa Alma Jose St.,  Barangay 177, Caloocan na nag-viral sa social media.

Magugunitang inihayag ng dalawang umano’y saksi na magkakilala si Pargad at ang “inireklamo” niyang rider, at kasunod nito ay sinabi ng pulisya na kabulaanan ang mga sinabi ni Pargad batay sa noo’y bagong closed-circuit television (CCTV) camera footage at mga pahayag ng mga saksi.

Ilang sektor ang agad na nagtaka sa pagsasampa ng kaso ng pulisya kay Pargad, dahil hindi naman umano nangangahulugang dahil magkakilala ang dalawang tao ay hindi na pwedeng pagtangkaan ng masama ng isa sa mga ito ang kabilang panig.

Kasabay nito, iniutos ng tagausig sa pulisya ang “reinvestigation” ukol sa nasabing insidente. (ALAIN AJERO)

6

Related posts

Leave a Comment