INSENTIBO SA PINOY SCIENTISTS NAIS DAGDAGAN NI PBBM

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Science and Technology (DOST) na maghanap ng paraan para mapagkalooban ng karagdagang insentibo ang Filipino scientists.

Sa idinaos na 8th Annual Balik Scientist Program Convention, hinikayat ni Pangulong Marcos ang marami pang Filipino scientists na manatili sa bansa at ibahagi ang kanilang kaalaman at kadalubhasaan.

“As we take advantage of the many opportunities available to us under what is becoming the new normal, it is important to highlight the critical role of the DOST, with the help of the participating Balik Scientists, to address the perennial issues in the country through research and development initiatives,” ayon sa Pangulo sa kanyang naging talumpati sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

“You must continue to strengthen the implementation of the Balik Scientist Program and find ways to provide more incentives to encourage more Filipino scientists to come back to the country and share their expertise,” dagdag na wika ng Pangulo.

Hinihikayat ng Balik Scientist Program ang Filipino scientists, technologists, at experts na bumalik ng Pilipinas at ibahagi ang kanilang expertise upang i-promote ang “scientific, agro-industrial, at economic development” kabilang na ang development ng human capital ng bansa sa larangan ng agham, teknolohiya at pagbabago.

Layon ng programa na baliktarin ang epekto ng tinatawag na “brain drain,” paghusayin ang science and technology capabilities, itaas ang “flow of technologies” at i-promote ang knowledge sharing.

Ang pagsasabatas ng Republic Act (RA) 11035 o Balik Scientist Act noong June 2018 ang nagbigay daan sa DOST na pagkalooban ang mga returning Filipino scientists ng “competitive benefits” gaya ng daily subsistence allowance, health insurance, at roundtrip airfare.

Pinasalamatan naman ng Chief Executive ang mga scientist, lalo na iyong mga nagbalik sa Pilipinas para sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa bansa.

Kinonsidera ang sarili bilang “frustrated scientist,” tiniyak naman ng Punong Ehekutibo sa lahat ng Filipino scientists na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagbibigay suporta sa pangangailangan ng mga ito bilang kabayaran sa kanilang dedikasyon, serbisyo at sakripisyo para sa Inang Bayan.

Nangako rin ang Pangulo na gagamitin ang agham bilang “instrument of progress and prosperity” dahil batid niya na ang mundo ay nagiging higit na nakadepende ngayon sa teknolohiya.

Pinuri ni Pangulong Marcos ang DOST para sa pagsisikap nito na lumikha ng oportunidad para sa mga umuusbong na Filipino scientists.(CHRISTIAN DALE)

9

Related posts

Leave a Comment