ISINAPINAL na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF), ilang linggo matapos na suspendihin ang implementasyon nito.
“The Investment Rules and Regulations of Maharlika Investment Fund have been finalized,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang Instagram.
“Upon our approval, we’ll swiftly establish the corporate structure, getting the MIF up and running,” dagdag na pahayag nito.
Ang simula ng pagpapatakbo sa IRR ng IMF ay ipinalabas noong Agosto, subalit inanunsyo ni Pangulong Marcos ang suspensyon ng implementasyon nito “pending further study” noong Oktubre 18.
Bago umalis patungong Saudi Arabia noong nakaraang buwan, nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi itinigil ang MIF, sabay sabing tinatrabaho ng pamahalaan para maging operational ang MIF ngayong taon.
“We are, the organization of the Maharlika Fund proceeds apace, and what I have done though, is that we have found more improvements we can make, specifically to the organizational structure of the Maharlika Fund,” ayon kay Pangulong Marcos.
Winika pa ng Punong Ehekutibo na ang suspensyon ng IRR ay hindi dapat ma-misinterpret o mabigyan ng ibang kahulugan bilang “judgement of rightness o wrongness of the MIF.”
Binigyang-diin din ng Pangulo, kinonsulta ang mga economic manager at “personalities who will actually be involved in the fund” sa MIF.
Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023 sa Malakanyang, kung saan inilagay ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas na susuporta sa mga layunin sa ekonomiya ng Administrasyon.
“Ang MIF ay isang matapang na hakbang tungo sa makabuluhang pagbabago ng ekonomiya ng ating bansa,” pahayag ni Pangulong Marcos sa seremonya ng paglagda.
“Just as we are recovering from the adverse effects of the pandemic, we are now ready to enter a new age of sustainable progress, robust stability, and broad-based empowerment.” aniya pa rin.
Sa paglagda ng Republic Act (RA) No. 11954 bilang batas, ang bansa ay magkakaroon ng kapasidad at kakayahan na mamuhunan sa lahat ng napakahalagang proyektong ito tulad ng agrikultura, imprastraktura, digitalization pati na rin ang pagpapalakas ng value chain.
Ang mga institusyong financing ng gobyerno ay magsasama-sama na ngayon ng mga mapagkukunang pinansyal na hindi utang para hindi maalis ang iba pang mga obligasyon sa pagpapautang na kailangan nilang tuparin sa ilalim ng kani-kanilang mga mandato.
Higit pa rito, ang pondo ay may potensyal na mag-funnel sa panlabas na financing, na binabawasan ang pasanin ng pamahalaan upang tustusan ang imprastraktura sa pamamagitan ng mga paghiram, mga buwis.
“Through the fund, we will accelerate the implementation of the 194 National Economic and Development Authority Board-approved, NEDA-approved, flagship infrastructure projects.” ayon sa Pangulo.
Kasunod ng paglagda sa MIF Act, nakatakdang ihanda ng Administrasyon ang mga implementing rules and regulations (IRR) para sa paglikha ng Maharlika Investments Corp. (MIC), na magiging tanging sasakyan para sa pagpapakilos at paggamit ng MIF para sa mga pamumuhunan.
Ang MIC ay inaasahang magkakaroon ng hindi bababa sa P75 bilyon na paid-up capital ngayong taon, P50 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) at P25 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines.
Samantala, ang kontribusyon mula sa national government ay manggagaling sa “total declared dividends ng Bangko Sentral ng Pilipinas’; share ng national government mula sa kinita ng PAGCOR; Properties, real at personal na i-identify ng DOF-Privatization and Management Office at iba pang maaaring pagkuhanan gaya ng royalties at/o special assessments
Sa ilalim ng batas, ang MIF ay mayroong authorized capital stock na P500 billion.
(CHRISTIAN DALE)
196