Isasampa ng 9 bokal PLUNDER VS GOV. SUAREZ, ET AL.

MAGSASAMPA ng kasong plunder o pandarambong ang siyam na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon laban sa mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng kanilang gobernador sakaling ituloy ng mga ito ang pagpapalabas at paggamit sa 2021 Annual Budget ng probinsya.

Ayon sa siyam na miyembro ng Sanggunian sa pangunguna ni Majority Leader Bokal Sonny Ubana, gagawin nila ang pagsasampa ng kaso sa hukuman laban kina Gov. Danilo Suarez at mga department heads ng Kapitolyo sa oras na gamitin ng mga ito ang annual budget kahit hindi pa nareresolba sa hukuman ang usapin hinggil dito.

Matatandaan na ang panukalang 2021 Annual Budget ay hindi inaprubahan ng mga bumubuo ng Majority Bloc ng panlalawigang konseho dahil sa anila’y pagiging depektibo at kwestyunable nito.
Gayunman, kamakailan lamang ay inaprubahan din ito ng apat na mga Bokal na bumubuo ng Minority Bloc sa isang special session makaraang suspendehin ang walong Bokal ng Office of the President sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Bilang reaksyon, ang mga nasuspindeng Bokal ay nagharap ng petition sa husgado dahil sa anila’y ilegal na pagdaraos ng dalawang special session ng apat na Bokal at ng Vice- Governor at ilegal na pag-apruba ng mga ito sa annual budget para sa 2021 at 2022.

Sa kabila nito, pinaninindigan umano ng gobernador na legal ang ginawa ng mga kaalyado niya sa konseho. Agad din siyang nag-anunsyo sa publiko na itutuloy ang paggamit sa pondo at nangako sa mga kinauukulan na kanila na itong mapakikinabangan sa lalong madaling panahon.

“Nasa pagpapasya ni Gov. Suarez kung itutuloy niya ang paggamit sa annual budget kahit nagsampa na kami ng petisyon sa mga hukuman upang linawin ang legalidad nito. Kung itutuloy niya, kami naman ng walo kong kasamahang Bokal sa Majority Bloc ay magsasampa ng kasong plunder laban sa kanya at sa kanyang mga department heads na susunod sa mga iuutos niya para ma-release at magamit ang budget,” wika ni Bokal Ubana.

Matatandaan na bukod sa anak ng gobernador na si dating Gov. Jayjay Suarez, ilang department heads sa Kapitolyo ang nahaharap din sa mabibigat na kaso.

Sila ay sina Provincial Accountant Evangelina Ong, Provincial Treasurer Rosario Marilou Uy, Provincial  Budget Officer Diego Salas, at Provincial Agriculturist Roberto Gajo.

“Hindi namin gustong madamay sa mga kaso ang mga department heads ng Kapitolyo subalit kailangan naming gawin ang tama upang protektahan ang pondo ng lalawigan”, wika pa ni Ubana.

4

Related posts

Leave a Comment