JEEPNEY DRIVER BINAUNAN NG BALA

CAVITE – Humantong sa kamatayan ang pagmamalasakit ng isang 35-anyos na jeepney driver nang pagbabarilin ng dalawa katao matapos paalalahanan ang mga ito hinggil sa umiiral na curfew sa lugar sa Trece Martires City, noong Huwebes ng gabi.

Naisugod pa sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si  Mel Aubrey Mijares y Cabugnason, 35, may live-in partner, ng Brgy. Cabuco, Trece Martires City, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa tatlong tama ng bala sa dibdib.

Arestado naman ang mga suspek na sina Roland Marquez Magpuri, 44, at Ariel Jaropojo, 44, kapwa residente sa nasabi ring lugar.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Summerhomes Subdivision sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City, kung saan nadaanan ng biktima ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Bilang pagmamalasakit, sinabihan umano ng biktima ang mga suspek hinggil sa umiiral na curfew sa lugar.

Imbes na magpasalamat, minasama umano ng mga suspek ang paalala sa kanila ng biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.

Matapos ang pamamaril, tinangka pang tumakas ng dalawang suspek subalit naaresto at nakumpiskahan ng isang kalibre 9mm na baril, dalawang magazine na may 13 bala, limang bala ng kalibre .38 na baril, balisong at ang motorsiklo na sinakyan ng mga ito. (SIGFRED ADSUARA)

24

Related posts

Leave a Comment