QUEZON – Sugatan isang incumbent barangay kagawad na kandidato sa pagka-kapitan sa bayan ng General Luna sa lalawigang ito, matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Ruben Ilagan, residente at kandidatong kapitan ng Brgy. Malaya, General Luna.
Ayon sa report ng pulisya, nangyari ang pananambang pasado alas-9:00 ng gabi habang ang biktima ay naglalakad sa Sitio Central 1 pauwi sa kanyang bahay galing sa pagpupulong sa malapit sa kanilang Barangay Hall.
Dalawang lalaking nakasuot ng face mask ang biglang sumulpot mula sa madilim na lugar at pinagbabaril ang kagawad.
Mabilis ding tumakas ang dalawang suspek na sumakay sa isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Lopez, Quezon.
Agad isinugod sa Magsaysay Hospital sa Lopez ang biktima subalit agad ding inilipat sa isang pribadong opsital dahil maselang kalagayan.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.
Mariin namang kinondena ni General Luna Mayor Matt Erwin Florido at ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ang nangyaring pamamaril na kauna-unahang insidente ng karahasan sa naturang bayan ngayong panahon ng Barangay at SK elections.
(NILOU DEL CARMEN)
124