KAGAWAD PATAY, WAITRESS SUGATAN SA EX-ARMY

HINDI umabot nang buhay sa Ospital ng Maynila ang isang barangay kagawad habang nasa malubhang kalagayan ang isang waitress makaraan umanong mamaril ang isang dating sundalo sa loob ng isang resto bar sa J. Nakpil Street, Ermita, Manila nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, commander ng Manila Police District-Ermita Police Station 5, ang namatay na biktimang si Jesus Carmona, manager ng resto bar at barangay kagawad ng Parola Compound sa Tondo.

Patuloy namang inoobserbahan sa nasabing pagamutan si Donna Sabenencio, 29, residente ng Tondo, Manila.

Samantala, agad naaresto ang suspek na si Rolly Algarne y Ibañez, 43, dating miyembro ng Philippine Army at residente ng North Caloocan.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gutierrez, bandang alas-10:30 ng umaga nang mangyari ang pamamaril sa nasabing resto bar sa lugar.

Habang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mina-manage na resto bar dahil nagdiriwang ng kaarawan ang isang tauhan nito, dakong 11:00 ng gabi, nang sabihan umano nito si Algarne na i-park ang sasakyan nito sa tabi ng kanyang sasakyan, dahil kustomer ang suspek ng isa pang resto bar sa itaas ng gusali.

Kinaumagahan, lasing na bumaba umano ang suspek at walang sabi-sabing tatlong beses na binaril ang biktima. Minalas namang tinamaan din ng bala ang waitress.

Tinangkang tumakas ng suspek ngunit nadakip ng nagrespondeng mga tauhan ni Police Captain Wilbert Aticao, hepe ng MPD-Remedios PCP, sa Remedios Street. (RENE CRISOSTOMO)

44

Related posts

Leave a Comment