Kahit panay ang epal MARTIN KULELAT PA RIN SA SURVEY

NANGULELAT pa rin si House Speaker Martin Romualdez maging sa survey ng Tangere nitong Oktubre.

Si Romualdez ay nakakuha ng 0.45% lamang na boto mula sa respondents.

Sa kabila ito ng ‘pag-epal’ ng lider ng Kamara sa mga kasalukuyang usapin at ang panghihimasok sa trabaho ng Executive department.

Matatandaang kinastigo sa social media ang lider ng Kamara dahil halatang sumasakay anila ito sa mga isyu para magpabida. Isa na riyan ang pagsama niya sa mga raid sa warehouse ng bigas ngunit wala namang nahuhuling smuggler.

Nanguna naman sina Senador Raffy Tulfo, 32.95%, kasunod si Vice President Sara Duterte na nakakuha ng 30.10% sa mga pinapaboran na posibleng tumakbong presidente sa 2028.

Isinagawa ang survey nitong Oktubre 10 hanggang 13 at nilahukan ng 2,000 mobile users nationwide.

Nauna nang inihayag PUBLiCUS Asia na bumulusok sa 37% ang approval rating ni Romualdez mula sa 42% sa ikalawang quarter ngayong taon, habang bahagyang bumaba ang trust rating niya mula 32% patungong 29%.

Maging sa resulta ng survey ng Pulse Asia noong September 6-11, 2023 ay bumaba ang rating ni Romualdez.

Eleven percent ang nabawas sa approval rating nito dahil mula 52% noong June 2023 ay naging 41% na lamang ito noong Setyembre 2023 habang 16% ang nawala sa kanyang trust rating dahil bumagsak ito sa 38% mula sa dating 54%.

Sa pahayag kamakailan ni dating Presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang programa sa SMNI, binigyang katwiran niya ang pagbaba ng rating ni Romualdez.

Aniya, ayaw ng taumbayan ng pulitika. Mas gusto aniyang makita ng mga ito ang solusyon sa mga kasalukuyang problema sa bansa partikular ang mga usapin na malapit sa sikmura.

Para kay Roque, ipinapakita ng resulta ng survey na hindi tanggap ng nakararaming Pilipino ang maagang pamumulitika ng lider ng Kamara.

“Ang kinakailangan ng tao, pagkain at mababang presyo ng bilihin. Itigil na ang pamumulitika, itutok ang ating lakas at oras sa problema ng bansa. Isantabi na muna ang 2028,” litanya pa ni Roque.

Sa kasagsagan ng problema sa mahal na bigas, pinangunahan ni Romualdez ang mga pagsalakay sa ilang warehouse na pinaghihinalaang nag-iimbak ng bigas.

Kabilang sa mga sinalakay ang rice warehouses sa Bulacan.

Sa kabila nito, patuloy ang reklamo ng mga mamimili sa mataas pa ring presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Itinurong dahilan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang cartel sa bigas kaya nananatiling mataas ang presyo nito sa bansa kahit nasa panahon ng anihan.

“Marcos Jr. government has done very little to rein in the large-scale rice smuggling, hoarding, and rice price manipulation. The cartel continues to operate because the DA and the government allow them,” ani KMP chairman Danilo Ramos.

Ang pahayag ng lider ng magsasaka ay kaugnay sa mungkahi umano ng isang grupo na ibalik ang price ceiling matapos umalagwa ang presyo ng bigas dahil sa napakataas na presyo ng palay.

Bagama’t may mga ulat na umaabot na umano sa P27 hanggang P32 ang kada kilo ng palay sa ilang lugar, hindi ito ang average price sa buong bansa dahil sa katotohanan aniya ay P17 hanggang P18 lang binibili ng traders ang ani ng mga magsasaka sa mas maraming lugar.

Nakadadagdag din umano sa problema ang Rice Liberalization Law.

Nauna nang lumutang ang posibilidad ng pagtakbo ni Romualdez sa 2028 presidential elections at ang sinasabing makakatunggali nito ay si Vice President Sara Duterte.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

192

Related posts

Leave a Comment