KAILANGAN LANG TALAGA MAY MANGUNA

SA lahat ng bagay, kailangan talagang may lider na ­mangunguna sa pag-aksyon at ginagawang inspirasyon naman ng ibang tao at susundan at gagayahin nila ang magandang nasimulan.

Ganyan ko binabasa ang Community Pantry na sinimulan sa Maginhawa St., Quezon City na ginagaya ngayon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at maging sa mga probinsya.

Kailangan talagang may ­manguna. May lider na dapat magsimula sa isang adhikaing may magandang idudulot sa ­kapwa tao dahil kung walang lider, walang susundan ang mga tao, wala silang inspirasyon.

Kapag maganda ang adhikain ng isang lider, susundan ng mga tao na may mabubuting kalooban kaya saludo ako sa mga nagsimula sa Community party sa Maginhawa St..

Napakalaki ang tulong ng libreng pagkain sa mga taong nangangailangan sa gitna ng krisis na kinakaharap nila ngayon dahil sa pandemya na imbes na humupa ay lalo pang lumala.

Kahit papaano, naitatawid ang isang araw na pagkain ng mga tao na nakukuha ng libre dagdag pa ang iba pang uri ng pagkain sa mga community pantries. Napakalaking bagay yun sa mga taong naghihirap.

Saludo din ako sa mga nagdodonate ng pagkain sa mga community party mula sa probinsya tulad ng mga magsasaka sa Paniqui Tarlac na nagdonate ng kanilang aning kamote at iba pang uri ng pagkain na kanilang inani sa kanilang bukid.
Totoo ang sabi sa Biblia na kung sino pa ang walang wala, yun pa ang magbibigay ng marami.

Actually, marami naman tayong lider, Mayroon tayong ­Pangulo, Pangalawang ­Pangulo, may senador, congressmen, ­governor, vice governor, mga provincial board members, mayor, vice mayor, city at municipal councilors, barangay captain at mga barangay councilmen.

Lahat sila ay ihinalal natin bilang ating lider. Lahat sila ay ibinoto para manguna sa lahat ng bagay na ikabubuti na bawat isa at bansa sa kabuuan pero karamihan sa kanila ay hindi natin ramdam ang pagiging lider.

Marami sa kanila ay nakakalimutan na sila ay dapat maging ­inspirasyon natin. Nagkakaroon sila ng amnesia sa loob ng dalawa’t kalahating taon (lalo na sa mga local leaders) at saka lang babalik ang kanilang alaala kapag malapit na ang eleksyon o sa panahon ng kampanya.

Yung mga nasa Executive at Local Government Units (LGUs), may mga taong pinakikilos ang mga iyan na pinapasuweldo ng mamamayang Filipino pero kahit sila ay hindi natin ramdam ang kanilang pagiging lider.

Ang akin lang, kung kaya ng mga magsasaka at mga ­ordinaryong mamamayan na magkusa sa pagtulong, bakit hindi kaya ng mga ihinalal natin eh sila ang may hawak sa pondo ng bayan?

Sa rami nila, bakit walang nakakaisip sa kanila ng direktang pagtulong sa mga higit na nangangailangan at labis na naapektuhan ng pandemya? Halos lahat sila dyan ay edukado, matataas ang pinag-aralan.

Kapag namigay naman ng ayuda, kakarampot lang ay parang utang na loob pa ng mamamayan na sila ay tinutulungan eh ang perang ibinibigay sa mga tao eh galing din sa mga tao at kung inutang man yan, ang taumbayan din ang magbabayad sa pamamagitan ng kanilang binabayarang buwis sa gobyerno.

Oo nga pala, headless din pala tayo sa usapin sa West ­Philippine Sea (WPS). Buti na lang may concerned kahit papano ang ibang bansa tulad ng Amerika.

44

Related posts

Leave a Comment