(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
NASA 48 porsiyento ng pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap sa ikatlong quarter ng 2023 base sa resulta ng survey mula sa Social Weather Stations (SWS).
Katumbas ang naturang bilang sa 13.2 million na mataas mula sa 12.5 million noong June.
Habang nasa 27% naman ang itinuturing ang kanilang sarili na nasa borderline o sa pagitan ng mahirap at hindi mahirap at 25% ang itinuturing ang kanilang sarili na hindi mahirap.
Ang mga self-rated poverty ay tumaas sa Mindanao mula sa 54% sa 71%.
Nasa 1.8 million pamilyang Pilipino naman ang bagong mahihirap.
Hindi naman ikinagulat ng isang lider ng minorya sa Kamara ang resulta ng survey dahil mas pinapaboran umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mayayaman kaysa sa kanila.
“The latest SWS survey saying that almost half of Filipino families or around 13.2 million families consider themselves poor is a result of the anti-poor policies of the Marcos administration and its push for projects that will benefit the rich rather than the poor like the Maharlika Investment Fund,” ani House deputy minority leader France Castro.
Ayon sa mambabatas, patuloy na hinaharang ni Marcos ang kanilang panukalang batas na buwisan ang mga bilyonaryo sa bansa pero dinadagdagan ang buwis ng mahihirap sa iba’t ibang kaparaanan.
Noong nakaraang taon ay inihain ng Makabayan bloc ang House Bill (HB) 259 o Super Rich Tax na kung magiging batas aniya ay makalilikom ng P502 billion ang gobyerno sa may 3,000 bilyonaryo sa Pilipinas.
Kasama na aniya sa halagang ito ang P259.4 billion na pwedeng makuhang buwis sa top 50 billionaires sa Pilipinas at mas malaki sa P100 billion na makukuha sa taxing digital services, single-use plastics, sweetened beverages at junk food na nakatakdang maging batas.
Ang masaklap aniya rito, sa mahihirap kukunin ang P100 billion na tinarget na buwis sa mga nabanggit na produkto at serbisyo at hindi sa mga bilyonaryo at malalaking korporasyon sa bansa.
Isang patunay ng pagiging anti-poor umano ni Marcos ang 2024 national budget kung saan imbes na dagdagan ang budget para sa kalusugan, edukasyon at ayuda sa mahihirap ay binawasan pa ito.
Kasama rin sa anti-poor policy ni Marcos ang pagpapalobo ng kanyang confidential at intelligence funds (CIF) imbes na gamitin ito para makaahon ang mga pobre sa kahirapan sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Feeding program
seryosohin
Samantala, ipinanukala ng isang mambabatas na seryosohin ang pagpapatupad ng feeding program ng gobyerno sa mga eskuwelahan upang masiguro na maipagpatuloy ng mahihirap na kabataang estudyante ang pag-aaral sa gitna ng kahirapan ng kanilang pamilya.
Panawagan ito ni Makati Rep. Luis Campos Jr., kaugnay ng P15.8 billion na inilaan sa nasabing programa sa susunod na taon na sadyang pinalaki mula sa P10.8 billion ngayong taon dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pagkain.
“We are counting on feeding programs to help alleviate child hunger, improve the nutrition of learners from food-insecure households, and prevent pupils-at-risk from dropping out of school,” ayon sa mambabatas.
Sa nasabing halaga, P11.7 billion ang inilaan School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepE) na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte habang ang natitirang P4.1 billion ay nasa ilalim ng Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng SBFP ng DepEd, 220 araw na pakakainin na masustansyang pagkain ang mahihirap na estudyante mula Kinder hanggang Grade 5 bukod sa 55 araw na supply ng gatas sa mga ito.
207