KAMARA ‘DI PA TAPOS KAY HARRY ROQUE

BAGAMA’T tatapusin na ang pagdinig sa isyung Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), hindi pa rin tatantanan ng Quad committee si dating Presidential spokesman Herminio “Harry” Roque.

“Marami pa siyang kailangang ipaliwanag sa bayan,” deklara ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng nasabing komite sa ika-13 pagdinig kahapon sa POGO, Extrajudicial Killings (EJK) at Illegal Drugs.

Si Roque at kanyang misis na si Mylah ay unang na-contempt dahil sa patuloy nilang hindi pagdalo sa imbestigasyon ng Kamara ay nakaalis na sa bansa kaya hindi naipatupad ang arrest order laban sa kanila.

Ayon sa kongresista, nakakuha ng ebidensya ang komite na konektado si Roque sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga na nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng murder, torture, human trafficking, money laundering at kidnapping.

Isa na rin ang pag-akto ni Roque bilang abogado ng Lucky South 99 at patunay rito ang pagsama niya kay Cassandra Ong para kausapin si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Alejandro Tengco para ayusin ang problema ng kanilang POGO.

“Si Atty. Harry Roque ang nagsilbing abogado ng Lucky South at iyan ay napatunayan sa kanyang pakikipagpulong kay PAGCOR Chairman Al Tengco,” ani Barbers at lalong nabaon sa kontrobersya si Roque dahil mula sa kanyang idineklarang assets na P125,000 noong 2016 ay lumobo ito sa P125 million noong kasagsagan ng POGO noong 2018.

Ayon naman sa isa sa co-chairman ng Quadcom na si Santa. Rosa Laguna City Rep. Dan Fernandez, lalong nabaon sa kontrobersya si Roque dahil nahuli sa kanyang bahay sa Pinewoods Village sa Tuba, Benguet ang isang Chinese national na sangkot sa POGO at pugante pa sa China na si Wang Kepin.

“Wala pong sisinuhin ang Quad comm. There will be no sacred cows. We will leave no stone unturned in the search for truth, justice, and accountability,” deklara ni Barbers.

Hindi rin aniya sila magpapatinag sa mga narco vlogger na patuloy na naninira sa komite dahil nasasagasaan ang sindikato ng droga na kanilang pinoproteksyunan.

“Napakarami na pong nakita at nadiskubre ng Quadcom. Kaya naman po hanggang ngayon ay pilit pa ring sinisiraan ng mga bayarang trolls at kritiko na wala namang naintindihan sa usapin o sadyang ayaw umintindi ng madali namang maintindihang pinag-uusapan,” ayon pa sa kongresista. (BERNARD TAGUINOD)

15

Related posts

Leave a Comment