KAMARA PINAKIKILOS SA ICC CASE VS DU30

ISANG resolusyon ang inihain kahapon para atasan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga sa ‘crime against humanity’ laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng Makabayan bloc congressmen ang nasabing hakbang matapos aminin ni Duterte na ginamit nito ang kanyang intelligence funds para sa pagpatay sa Davao City noong mayor pa ito ng nasabing lungsod.

“With former Pres. Rodrigo Duterte’s televised admission of ordering extrajudicial killings and financing them with his confidential and intelligence funds, it is imperative that we allow the ICC to investigate his crimes,” ayon sa nasabing grupo.

Magugunitang sa isang programa ng Sonshine Media Network International (SMNI), inamin ni Duterte na noong mayor pa siya ng Davao City ay ginamit niya ang kanyang intelligence funds sa pagpatay sa mga kriminal sa kanilang lungsod.

“Ang intelligence fund, binili ko, pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao. ‘Yong mga kasama niyo, pinatigok ko talaga, ‘yan ang totoo,” pag-amin ni Duterte, kaya agad na ipinadala ng grupo ni dating Sen. Antonio Trillanes ang video sa ICC bilang karagdagang ebidensya.

Dahil dito, inihain ng Makabayan bloc ang House Resolution (HR) 1393 para hilingin kay Marcos na makipagtulungan sa ICC na nag-iimbestiga sa ‘crimes against humanity’ na nagawa umano ni Duterte nang maglunsad ito ng ‘war on drugs’ lalo na’t mga inosenteng mamamayan ang karamihan sa mga biktima.

“We urge the House leadership to support and co-author this resolution to show that we do not tolerate EJKs and that we are working for justice to be served to his victims, and their families” ayon pa sa Makabayan bloc.

Bukod sa dating Pangulo, kasama rin sa kinasuhan sa ICC si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at may mga impormasyon na nabanggit din ang pangalan ni Vice President Sara Duterte sa nasabing kaso.

Noong 2018, kumalas sa ICC ang Pilipinas kaya hindi pinayagan ang mga imbestigador na magsagawa ng personal na imbestigasyon sa ‘war on drugs’ sa Pilipinas, na ipinagpatuloy naman ni Pangulong Marcos.

(BERNARD TAGUINOD)

155

Related posts

Leave a Comment