KANDIDATONG KAPITAN, PATAY SA ATAKE SA PUSO

QUEZON – Dalawang araw bago ang halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan, pumanaw ang isang kandidatong kapitan sa bayan ng San Andres sa lalawigang ito, matapos atakihin sa puso.

Ayon sa report, naghahanda na para sa huling araw ng pangangampanya nang biglang mag-collapse at mawalan ng malay si Cornelio Pepito, 55, incumbent barangay kagawad, at kandidato sa paka-barangay chairman sa Brgy. Pansoy.

Isinugod ito sa ospital subalit binawian ng buhay makalipas ang ilang minuto.

Ayon sa kaanak nito na si Claudio Mahinay Jr., posibleng dahil sa pagod, stress, puyat, at takot dahil sa banta sa buhay, ang dahilan ng heart attack ng biktima.

Napag-alaman na mula nang kumandidato si Pepito, ilang beses nang may mga lalaking nakatakip ang mukha ang nakikitang umaaligid sa bahay nito at nakatatanggap din ito ng pagbabanta mula sa hindi nagpapakilalang texter.

Gayunpaman, itutuloy ng maybahay nito na si Ludie Pepito ang kandidatura ng asawa at kaagad din itong nag-file ng substitution bilang kandidatong kapitan sa tanggapan ng Municipal Comelec.

Sa ilalim ng Section 77 ng Batas Pambansa Bilang 881, o ng Omnibus Election Code, sa kaso ng pagkamatay o diskwalipikasyon ng orihinal na kandidato, pinapayagan ang ‘substitution of candidates’ hanggang sa tanghali ng araw mismo ng halalan at ang boboto sa pangalan ng namatay na kandidato ay bibilangin para sa boto ng pumalit dito.

(NILOU DEL CARMEN)

190

Related posts

Leave a Comment