SINAGIP ng mga tauhan sa Philippine Coast Guard (PCG) ang isang US citizen nang magkaaberya ang sasakyang pandagat nito sa Pacific Ocean, sakop ng Surigao Del Norte.
Sakay ng isang watercraft sa Pacific Ocean, 140 milya ang layo mula sa Daku Island, General Luna, Surigao del Norte, nang masira umano ang propeller ng sasakyang pandagat na “MI AMOR” habang naglalayag ito mula Palau patungo sa Pilipinas.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang U.S. Coast Guard Sector-Guam sa PCG-manned Maritime Rescue Coordinating Center-Manila para sa kaukulang tulong.
Agad namang nagpadala si PCG Commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu, ng Coast Guard aircraft upang matunton ang lokasyon ng nasiraang personal watercraft.
Bagama’t naayos ng skipper na si Dan Michaels ang propeller ng nasabing sasakyang pandagat, tumulak pa rin ang BRP Panglao (FPB-2404) at BRP Cabra (MRRV-4409) sa nasabing lugar para sa kinakailangang tulong.
“We assured the U.S. Coast Guard Sector-Guam that we will render appropriate assistance to Mr. Michaels and ensure that he will return home in good physical condition,” pahayag ni Admiral Abu.
“This operation is part of our Aeronautical and Maritime Search and Rescue (AMSAR) agreement with the U.S. signed in July 2021 to enhance our effectiveness in mutually assisting persons and vessels in distress at our adjacent waters,” dagdag pa ng Coast Guard Commandant.
Nagresponde rin sa distress call ang Coast Guard District Northeastern Mindanao sa tulong ng Coast Guard Station Siargao, Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command, Philippine National Police, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Alegria Barangay Captain Eduardo Lasco, bilang bahagi ng pagpapatibay sa kasunduan sa AMSAR.
Ang nasirang watercraft at si Michaels ay na-secure at maayos na tinulungan sa Alegria, Santa Monica, Surigao del Norte.
Ang Palau, isang islang bansa sa Pasipiko, ay nasa hurisdiksyon ng U.S.
Nagbabahagi ito ng hangganang pandagat sa Pilipinas sa silangang seaboard. (RENE CRISOSTOMO)
