CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano’y isang tulak at dati nang nakulong, makaraang barilin ang kanyang kapitbahay matapos ang kanilang pagtatalo sa Bacoor City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang pinaghahanap na suspek na si Penpen Trinidad, nasa hustong edad, ng Bacoor City, Cavite.
Isinugod sa Southern Tagalog Regional Hospital ang biktimang si Rodolfo Dominguez Jr., nasa hustong edad, residente ng Bacoor City, dahil sa balang tumama sa kanyang hita.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hinggil umano sa ilegal na aktibidades ng suspek.
Hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima dakong alas-6:30 ng gabi at pagkaraan ay mabilis na tumakas.
(SIGFRED ADSUARA)
161