Karapatan balansehin sa pagprotekta sa journalists PNP KINALABIT NG CHR

PINAALALAHANAN ng Commission on Human Rights (CHR) ang law enforcement agencies na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagbalanse sa karapatan ng bawal indibidwal.

Sa isang kalatas, sinabi ng CHR na welcome sa kanila ang direktiba na ihinto at imbestigahan ang napaulat na “unannounced police visit” sa bahay ng ilang mamamahayag sa Kalakhang Maynila kamakailan upang alamin kung mayroon silang natatanggap na banta sa buhay.

“Media security is best pursued through regular coordination with their respective organizations, as well as journalist groups, to institutionalize efforts protecting media freedom and safety,” ayon sa komisyon.

“In this way, members of the media are aware of what to expect and what law enforcement agencies can commit as a means to level off and further improve on protocols as necessary,” wika pa nito.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Interior Secretary Benhur Abalos kasunod ng kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag noong isang linggo.

Kinondena naman ng National Union of Journalist of the Philippines ang nasabing aksyon ng mga pulis.

Sa inilabas na statement ng NUJP, nagpahayag ng pagkabahala ang grupo sa pagbisita ng mga pulis sa bahay ng mga mamamahayag nang wala munang pasabi.

Bagama’t maganda ang hangarin, mainam anila na gawin na lamang ang pakikipag-usap sa newsroom o sa mga press corps, press club at mga organisasyon ng mga journalist sa NCR.

Nagdulot ng Takot

Para naman sa isang kongresista, imbes na proteksyon ay takot ang itinanim ng mga pulis sa mga miyembro ng media sa kanilang pagpunta sa bahay ng mga ito nang walang koordinasyon at hindi pa nakauniporme.

Ani Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., “I would like to believed that the police would like to give protection to media practitioners but the way they do it is not proper, its not right.”

“It intimidates, it cause of fear. Kahit ako natatakot na akong pumunta sa kapulisan natin because of that,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag ay kasunod ng pagpatay sa broadcaster na si Percival Mabasa, mas kilala sa tawag na Percy Lapid noong October 3, sa Las Piñas City.
“The police is very reactive. It sometimes is overkill,” pahayag ni Abante.

Kung nais umano ng mga pulis na bigyan talaga ng proteksyon ang mga mamamahayag ay makipag-ugnayan ang mga ito sa kanilang network o pinagsusulatang diyaryo at hindi basta-basta puntahan ang mga ito sa bahay.

Aminado rin ang kongresista na may inhustisya sa bansa pagdating sa kaso ng mga mamamahayag na pinatay dahil wala umanong nahuhuli at nakukulong partikular na ang mga nagpapatay sa mga ito.

“Kinakailangan (pa) nating magsabi na ‘ok, we’re offering P6.5 Million for anyone to provide information about the suspect. The duty of the police, kahit walang pera yan they should do everything they can to arrest suspect,” dagdag pa nito.

Dayalogo sa Media Outfits

Kaugnay nito, makikipag-dayalogo si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga media outfit upang matalakay ang kanilang mga pangamba at concerns hinggil sa ginawang home visits ng mga pulis sa tahanan ng ilang mamamahayag kamakailan.

Sa isang panayam, sinabi ni Abalos na maglalabas sila ng proseso at magpa-publish ng hotline kung saan maaaring ipaabot ng media practitioners sakaling makatanggap sila ng posibleng banta sa kanilang buhay.

Maaari anilang gumawa sila ng liham na naka-address sa concerned PNP units kung nais nilang magkaroon ng security personnel mula sa pulisya.

“Ipapapakita namin ang proseso, ipapakita namin ang tao, kung ano ang hotline namin, kung ano ang dapat gawin at kung talagang may threat sumulat lang kayo at kung kailangan niyo ng mga police security ibibigay po namin ito. Yun po ang commitment ng PNP, yun ang commitment ng DILG sa lahat po ito at yun ang gusto namin, magkaroon tayo ng dayalogo tungkol dito. Pinagawan ko yung sulat the other day, kahapon siguro ito ay i-distribute na,” ayon sa kalihim.

Kaagad namang dumepensa ang Eastern Police District (EPD) at sinabing malinis ang kanilang intensiyon sa house visit at ito’y pagpapakita lamang ng anilang tunay na malasakit para sa kapakanan ng mga mamamahayag. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD/LILY REYES)

13

Related posts

Leave a Comment