KASO NG COLONEL NANAKIT, NAGPAPUTOK NG BARIL PINABUBUSISI

MARIING hiniling ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kay QCPD Chief P/BGen. Redrico Maranan na magsagawa ng malalim, patas at mabilis na imbestigasyon hinggil sa umano’y pananakit at pagpapaputok ng baril ni Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong.

Naaresto si Abong noong Sabado ng madaling araw matapos magtungo sa Ralyoz Bar sa Brgy. Laging Handa at iginiit na makaharap ang manager ng bar.

Kinompronta umano nito at sinunggaban ang necktie ng isang waiter. Dalawang beses pa umano itong nagpaputok ng baril nang lumabas sa bar.

Nabatid mula sa QCPD, kabilang sa kasong isasampa kay Abong ang illegal discharge of firearms, alarm and scandal, paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code, physical injury, at slander by deed.

Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na nais niyang hilingin na bigyang-linaw ng liderato ng QCPD at PNP kung ano ang estado ni Abong na dating nakatalaga sa QCPD lalo na’t ito ay inalis na sa serbisyo ng QC PLEB.

Magugunitang dating nasangkot sa kasong hit-and-run si Abong at tangkang pag-cover up sa kaso.

Sa naunang desisyon ng PLEB noong Marso 2023, nahatulang guilty si Abong at sinibak sa serbisyo.

Inapela ni Abong ang desisyon sa Regional Appellate Board ng Napolcom subalit kinatigan nito ang desisyon ng PLEB sa kanilang desisyon noong Agosto 2023.

Samantala, nais tiyakin ng alkalde sa mga negosyante sa Quezon City na patuloy na poprotektahan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga negosyo at tauhan. Aniya, ang pangangalaga sa kanilang kapakanan ay krusyal sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.

Ayon kay Belmonte, mariing kinokondena ng QC government ang anomang insidente ng karahasan, lalo na ang pagmamalabis sa tungkulin ng isang lingkod-bayan. Ang tsapa aniya ay hindi hindi permiso sa pang-aabuso at walang puwang ang ganitong gawi sa lungsod.

(PAOLO SANTOS)

170

Related posts

Leave a Comment