KASO NG NANAGASANG SUV DRIVER IBINABA SA FRUSTRATED HOMICIDE

SA halip na frustrated murder, nauwi na lamang sa frustrated homicide ang kasong inihain ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban sa kontrobersyal na SUV driver na umararo sa isang gwardyang iniwan matapos ang insidenteng nag-viral sa social media.

Sa limang-pahinang resolusyon ng piskalya, walang matibay na ebidensyang nagpapatunay na pinagplanuhan at may motibong patayin ng suspek na si Jose Antonio Sanvicente ang biktimang si Christian Joseph Floralde noong Hunyo 6 ng taong kasalukuyan.

Gayunpaman, naniniwala ang tagausig na mas matatag at may tsansang madiin ang suspek sa kanilang inirekomendang asunto.

Umani ng batikos ang noo’y Philippine National Police (PNP) chief General Vicente Danao dahil sa di umano’y special treatment kay Sanvicente matapos ang insidente ng hit-and-run sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street sa Mandaluyong City.

Bukod sa mas mababang kaso, ibinasura rin ng piskalya ang kasong Abandonment of One’s Own Victim (Article 275) batay sa umiiral na Revised Penal Code.

Samantala, ni-revoke na ng Land Transportation Office (LTO) ang non-professional driver’s license ni Sanvicente.

Ayon sa pahayag ng LTO, natapos na nila ang pagdinig sa kasong administratibo laban kay Sanvicente at napatunayan na guilty ito sa kasong reckless driving and Duty of Driver in case of Accident.

Dahil dito, napagpasyahan ng ahensya na i-revoke ang lisensya ni Sanvicente. (ENOCK ECHAGUE)

Related posts

Leave a Comment