Kaso sa mga bayan sa Batangas binubusisi ng DOH F2F CLASSES SUSPENDIDO SA PAGKALAT NG HFMD

BATANGAS – Suspendido ang pasok sa walong paaralan sa San Pascual, Batangas hanggang Biyernes matapos tamaan ng hand, foot and mouth disease ang halos 150 batang mag-aaral.

Nakaramdam ng pangangati, may mga paltos sa balat at nilagnat ang mga batang nasa day care center hanggang Grade 3 pupils sa mga barangay ng Pook ni Kapitan, Pook ni Banal, Resplanador, Natunuan North, Antipolo, Mataas na Lupa, Sambat at Sto. Nino.

Upang maiwasang kumalat pa ang sakit ay agad nang nag-disinfect ang mga awtoridad sa mga
silid-paaralan gayundin ang pagbibigay ng mga bitamina at gamot sa mga tinamaan ng sakit.

Ang hand, foot and mouth disease ay may mga sintomas na lagnat, ubo, sipon, sore throat, rashes, lesions sa bibig, kamay at paa at pagkawala ng ganang kumain.

Kadalasang tinatamaan ng sakit na ito ay ang mga bata na tumatagal ang virus sa katawan ng lima hanggang pitong araw.

Kung hindi agad malulunasan ang naturang sakit ay maaaring magkaroon ng meningitis at encephalitis

Nakukuha ang sakit na hand, foot and mouth disease sa person-to-person contact, respiratory droplets at kontaminadong mga bagay na hinawakan ng taong may virus.

Samantala, nakapagtala na rin ng mga kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) sa mga batang estudyante sa Cuenca, Batangas.

Ayon sa Cuenca Rural Health Unit, nasa 33 estudyante na ang tinamaan ng nasabing sakit sa kanilang bayan.

Nabatid sa datos ng Cuenca Municipal Health Office, pinakamaraming kasong naitala sa Barangay Emmanuel na may 14 na kaso, kasunod ang San Isidro na may 9 na kaso, Balagbag, 5; Barangay Ibaba, 3, habang may tig-isang kaso naman ang Barangay Poblacion 1, at San Felipe.

Dahil dito, nagpalabas ng kautusan ang Cuenca LGU na pansamantalang

ititigil ang face to face classes sa mga pampubliko at pampribadong eskwelahan mula elementarya hanggang sekondarya (Junior at Senior) mula nitong Miyerkoles.
Wala pang takdang petsa kung kailan ibabalik ang mga klase.

Ito ay upang mabigyang daan ang pagdi-disinfect sa mga eskwelahan at mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Magsasagawa na rin ng pag-aaral at imbestigasyon ang local health officials ng bayan at ang mga opisyal ng LGU upang matukoy ang pinagsimulan at dahilan nito.

Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng Department of Health (DOH) sa mga kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) sa bayan ng San, Pascual at ibang parte ng Batangas.

Ayon kay Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, ang HFMD ay sanhi ng coxsackievirus. Sinabi ng opisyal, maaari itong ma-transmit sa pamamagitan ng droplets.

Dagdag pa ni Vergeire, sa pamamagitan ng ‘secretions’ ng taong may HFMD ay maaaring mahawa ang iba at magreresulta sa lesions sa bibig, kamay at paa. Kapag bukas aniya ang lesions ay maaari ring makahawa.

Aniya pa, ang sakit ay maaari ring maipasa sa pamamagitan ng dumi ng tao.

Habang ang HFMD ay kadalasang nakakaapekto sa mga bata na may edad 5 hanggang 7 taong gulang, maaari rin itong maihawa sa iba pa.

Karaniwang nagsisimula ang sakit sa lagnat, ubo at sipon. Maaari ring magkaroon ng sugat at lesions sa dila, gilagid at loob ng pisngi gayundin ng mga pantal sa mga palad at talampakan.

Sinabi pa ni Vergeire na ang mga komplikasyon ay maaaring lumitaw kung ang sakit ay hindi maagapan.

“Ang komplikasyon po ng HFMD, although hindi siya common, nagkakaroon ng meningitis, encephalitis, or polio-like paralysis,” pahayag pa ni Vergeire.

Nabatid pa kay Vergeire, ang kakulangan ng kaalaman at pag-unawa ng mga magulang ay maaaring nag-ambag din sa pagkalat ng virus.

Patuloy pang inaalam ng DOH ang pinagmulan ng outbreak. Ang mga gamit sa disinfection ay ipinamahagi na sa apektadong mga lugar. (CYRILL QUILO/NILOU DEL CARMEN/RENE CRISOSTOMO)

9

Related posts

Leave a Comment