Kaya nagpreno sa impeachment vs VP Sara MARCOS IWAS MAGMUKHANG ‘WEAK LEADER’

(CHRISTIAN DALE)

NANINIWALA ang isang political analyst na maaaring magmukhang ‘weak leader’ o ‘lame duck’ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung malulusutan ni Vice President Sara Duterte ang impeachment attempt sa kanya.

Sa isang panayam, sinabi ni political analyst Ronald Llamas na ang naging kautusan ni Pangulong Marcos sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na huwag nang maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara ‘could be taken at face value.’

“Pwede nating tingnan na ‘yung isang kamay niya ayaw niya ‘yung impeachment…pwede rin na habang dumidistansya siya ay ‘yung iba niyang mga kasama, ang tingin may blessing naman sila para ituloy,” ani LLamas.

Aniya, may sapat na panahon para maghain ng impeachment complaint ngayong buwan. Kung matatandaan si dating Chief Justice Renato Corona ay na-impeach ng buwan ng Disyembre.

Winika ni Llamas na ang numero na nagpatalsik kay Corona ay mula sa 9 sa simula ng impeachment trial sa Senado hanggang sa 20 na sa oras na siya ay tinanggal.

“Posibleng walang numero sa Senado pero pwedeng sa proseso ng trial pwedeng makuha ‘yung numero.”aniya pa rin.

Binigyang diin ni LLamas ang peligrong dala ng impeachment trial, kabilang na ang posibleng bigwas sa liderato ni Pangulong Marcos.

“Kung magsu-survive ‘yung nag-threaten sa Presidente ng assassination, sa kanyang asawa at sa kanyang pinsan, at ‘yung tatay ay nagko-call na pabagsakin siya sa isang mutiny, kung magsu-survive ‘yung mga nagti-threaten sa kanya, baka magmukha siyang weak leader at baka maging lame duck siya kahit 3 years bago matapos ang kanyang term,” ani LLamas.

“Kung sakaling mag-survive si Sara, magkakaroon siya ng momentum dahil ‘yung ibang politiko na umalis sa kanila, baka magsimulang bumalik dahil ang tingin nila, umatras ‘yung presidente at lumakas ang VP dahil nag-survive…’Yung mga Duterte gaganti ito. There will be hell to pay,”babala pa ni Llamas.

Naging maugong ang posibleng impeachment complaint laban kay VP Sara matapos nitong ibahagi na kumontak na umano siya ‘assassin’ para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyaring masama sa kanya.

Subalit hindi nagtagal ay sinabi ni VP Sara na ang kanyang mga naging pahayag ay hindi isang aktibong pagbabanta maliban na lamang kung mayroong tao na magsasagawa ng planong patayin siya.

56

Related posts

Leave a Comment