Kaya target maging Prime Minister? ROMUALDEZ ALAM NA MALABONG MAGING PRESIDENTE

TILA pinasaringan ng pinsan mismong si Senador Imee Marcos si House Speaker Martin Romualdez nang sabihin nito na may nais maging Prime Minister dahil malabong maging presidente sa pagkabuhay ng usapin sa Charter change.

Kaugnay na rin ito sa pahayag ni Romualdez na sa susunod na taon ay bubuhayin muli ng Kamara ang pag-uusap tungkol sa Cha-cha partikular sa isyu ng economic provision.

Ayon kay Senator Marcos, si Pangulong Bongbong Marcos na mismo ang nagsabi na hindi napapanahon ang Cha-cha at mas dapat na nakatutok tayo sa trabaho at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas.

Nagtataka ang senador kung bakit ipinagpipilitan ng Kamara ang Cha-cha gayung dalawang beses na aniya itong naibasura ng Senado.

Sa puntong ito sinabi ng senadora na posibleng may gustong mag-Prime Minister na malabong manalo na presidente.

Kung magtatagumpay ang liderato ng Kamara sa kanilang people’s initiative (PI) at maamyendahan ang 1987 Constitution, muling tatakbo para sa kanyang re-election si Pangulong Marcos Jr.
Sa ambush interview kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., itinanggi nito na kasama sa pinag-usapan sa Kamara ay baguhin ang sistema ng gobyerno at palitan ng parliamentary form of government ang kasalukuyang presidential na porma.

“Walang pinag-usapang Prime Minister. Kung political ang pinag-usapan, yun aking (proposal na) term limit na 5 years and two term. Tapos may reelection lang ang Presidente kamukha ng Bise presidente para magkaroon ng continuity,” ani Gonzales.

Nangangahulugan na maaaring tumakbo si Marcos sa 2028 presidential election kapag nagtagumpay ang mga kongresista sa pangunguna ni Romualdez sa kanilang planong amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng PI.

Samantala, mistulang wala na ring makakapigil kay Romualdez na amyendahan ang Konstitusyon pagbalik ng mga ito sa trabaho sa Enero 22, 2024 sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

“Next year, after our Yuletide break, we will focus our attention on studying and reviewing proposals that deal with restrictions blocking the entry of foreign capital and investment in the Philippines.These include deliberation on all proposed measure related to constitutional change,” mensahe ni Romualdez bago nag-adjourned ang session ng Kongreso noong Miyerkoles ng gabi para sa Christmas break.

“Gagawin nating lahat para buksan ang ating ekonomiya sa puhunan. Pag-aralan natin ang lahat ng paraan kung paano makikinabang ang ordinaryong tao sa pag-amyenda ng Konstitusyon,” dagdag pa nito.

(BERNARD TAGUINOD)

112

Related posts

Leave a Comment