KILLER NI JUMALON, GUN FOR HIRE

POSIBLE umanong hired killer ang bumaril at nakapatay kay Misamis Occidental radio anchor Juan Jumalon alyas “Johnny Walker”, ayon sa mga imbestigador.

Nabatid na inihahanda na ang isasagawang preliminary investigation sa posibleng mga suspek.

Lumilitaw umano na ang nadakip na isa sa tatlong itinuturing na suspek ay itinuturong sangkot din sa pamamaril sa isang municipal engineer sa naturang lalawigan.

Una nang sinabi ng PNP na lumabas sa kanilang isinagawang ballistic examination na iisa lamang ang baril na ginamit sa pananambang sa engineer ng munisipyo at sa pagpatay sa radio broadcaster.

Samantala, inihayag ng PNP na isasalang na sa preliminary investigation ang hindi pinangalanang mga suspek na hinihinalang responsable sa pamamaslang sa radio DJ na si Jumalon.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Officer (PIO) chief, P/Col. Jean Fajardo matapos na pumasa umano sa isinagawang sa case build-up at evaluation ng Misamis Occidental Prosecutor’s Office ang mga kasong theft at murder na isinampa laban sa mga ito.

Inihayag ni Fajardo, agad padadalhan ng summon ang tatlong suspek para pagpaliwanagin ukol sa mga kasong kanilang kinahaharap.

Magugunitang si Jumalon ay binaril at pinagnakawan ng mga suspek habang nagsasahimpapawid ng kanyang radio program.

(JESSE KABEL RUIZ)

162

Related posts

Leave a Comment