Klase sa 11 barangay suspendido NPA, MILITAR NAGBABAKBAKAN SA QUEZON

SUSPENDIDO hanggang Biyernes (Feb. 3) ang klase sa 11 barangay sa bayan ng San Francisco, Quezon na apektado ng patuloy engkwentro ng tropa ng pamahalaan at umano’y mga rebeldeng New People’s Army.

Base sa ipinalabas na memorandum ni San Francisco Mayor Romulo Edaño, mula noong Martes ay suspendido ang lahat ng klase sa mga elementary school at high school sa mga Barangay ng Butanguiad, Casay, Don Juan Vercelos, Huyon-uyon, Inabuan, Mabunga, Nasalaan, Pagsangahan, Pugon, Silongin, at Sto. Niño.

Ayon kay Edaño, ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at mga mag-aaral habang patuloy ang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Army sa mga nakasagupang rebelde sa magkatabing bayan ng San Andres at San Francisco.

Ibabalik naman ang klase kapag tahimik na ang sitwasyon sa mga naturang lugar base sa magiging pagtaya ng PNP at militar.

Inutusan din ni Edaño ang lokal na tanggapan ng DepEd para makipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa mga kinakailangan tulong.

Biyernes noong nakaraang linggo nang magsimula ang engkwentro ng NPA at Army na ikinasawi ng tatlong rebelde at ikinasugat ng isang sundalo.

Nakaburol sa old municipal building ng San Francisco ang tatlong napatay na rebelde habang nakikipag-ugnayan ang militar sa pamilya ng mga ito. (NILOU DEL CARMEN)

(PHOTO COURTESY:  85th IB Army)

111

Related posts

Leave a Comment