BUNSOD ng mataas na antas ng sulfur dioxide emission mula sa Taal Volcano na nagdulot ng volcanic smog o vog, nagsuspinde ng klase sa lahat ng levels (public and private) ang lalawigan ng Cavite nitong Biyernes, Setyembre 22, 2023.
Kabilang sa maagang nagdeklara ng suspensyon ng klase ang Lungsod ng Bacoor, Dasmariñas, Imus, Carmona, at Tagaytay, at ang bayan ng Tanza, at Rosario hanggang sumunod na rin ang lahat ng mga bayan at lungsod.
Sa kanilang advisory, sinabi na sinuspinde ang klase bunsod ng babala mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology – Department of Science and Technology (PHIVOLCS-DOST) ukol sa mataas na antas ng sulfur dioxide emission mula sa Taal Volcano na nagdulot ng volcanic smog o vog.
Ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng Sulfur Dioxide (SO2) na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract na posibleng maging malubha depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkakalangkap.
Payo ng PHIVOLCS sa mamamayan na iwasan ang outdoor activities, dalasan ang pag-inom ng tubig, protektahan ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng N95 face mask at magpatingin agad sa doktor o barangay health unit kung makararamdam ng mga sintomas.
Makikita sa ilang lugar sa Cavite ang madilim na paligid na tila nagbabadya ng ulan habang mapapansin din ang tila may hamog na kapaligiran.
(SIGFRED ADSUARA)
