KLIYENTE NI ROQUE IPINAARESTO NA

IPINAARESTO ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kliyente ni Atty. Harry Roque na si Cassandra Li Ong dahil sa patuloy na pagbabalewala sa imbitasyon na humarap sa imbestigasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal drug trade at extrajudicial killings noong kasagsagan ng war on drugs.

Kahapon ay sinimulan ng Quad Committee na kinabibilangan ng committee on dangerous drugs, public accounts, human rights at public order and safety, ang pagdinig sa mga nabanggit na isyu sa Bacolor, Pampanga.

Sa mosyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, inaprubahan ng Quadcomm ang pag-contempt kay Ong dahil sa paulit-ulit na pagbalewala sa imbitasyon para humarap sa imbestigasyon.

Si Ong ng Whirlwind Corporation ay kliyente ni Roque na sinamahan pa niya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para ayusin ang problema ng POGO na Lucky South 99 na nakabase sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga otoridad.

Hindi dumating sa nasabing pagdinig si Roque at maging ang kanyang dating executive assistant na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna kaya inisyuhan ng komite ng show cause orders ang huli kasama sina Bamban, Tarlac Vice Mayor Eraño Timbang at mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Inc., na sina Thelma B. Laranan at Yu Zheng Can iba pa.

Duterte, Carpio,
Yang Dinawit

Bago natapos ang pagdinig, iniharap ng QuadComm si dating Bureau of Customs (BOC) Intelligence officer Jimmy Guban, kung saan pinangalanan nito sina Congressman Paolo “Polong” Duterte, mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio at Michael Yang na nasa likod umano ng shabu shipment noong 2018 na nakasilid sa mga nakumpiskang magnetic lifter na nagkakahalaga ng P15 billion.

Isinabit din ni Guban ang isang Paul Gutierrez na staff umano ng isang Benny Antiporda na kumausap at nagbanta sa kanya na huwag banggitin sina Duterte, Carpio at Yang sa nasabing shabu shipment dahil alam ng mga ito kung saan sa Makati nakatira ang kanyang anak at pamilya.

Si Guban ay kasama sa mga kinasuhan sa nasabing shabu shipment at kasalukuyang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP).

(BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment