KOLEKSYON SA YOSI TINANGAY NG HOLDAPER

CAVITE – Tinatayang P104,000 cash na mula sa koleksiyon ng bayad sa sigarilyo, ang natangay ng dalawang hinihinalang holdaper sa Imus City noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga suspek sa gallery ng wanted persons, na sina Joshua Zamora y Trinidad at BJ Camaisa, kapwa residente ng Brgy. Anabu 2F, Imus City.

Ayon sa salaysay nina Zaldy Jacob, 46, sales agent, at Erajel Tano, 38, driver ng JMetric Enterprises Corp., kay P/SSgt. Anthony Macario ng Bacoor City Police, sakay sila ng delivery truck na may plakang XMU 470, at nagparada sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City, nang umano’y sumulpot ang mga suspek na armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, at nagdeklara ng holdap.

Sa takot ng mga biktima, inabot umano nila ang P104,000 cash sa mga suspek na mabilis na tumakas lulan ng matte black na Yamaha Mio Sporty na walang plaka, sa direksiyon ng Brgy. Molino V, Bacoor City.

Ini-report ng dalawa ang insidente sa istasyon ng pulisya kung saan kinilala nila ang mga suspek mula sa gallery ng mga kriminal. (SIGFRED ADSUARA)

116

Related posts

Leave a Comment